Kadalasay anim hanggang siyam na buwan lamang ang ipinapataw na kaparusahan sa mga opisyal o empleadong bumagsak sa lifestyle check. Katulad ng ginawad na parusa sa isang mataas na opisyal ng Customs na binigyan lamang ng siyam na buwang suspension na walang suweldo. Magaan ang parusang siyam na buwang suspensiyon. Saglit lamang ay makababalik sa puwesto ang sinuspinde at sino ang makapagsasabi, na baka lalo pa siyang tumakaw at muling magnanakaw. Sa halip na suspindehin ay bakit hindi parusahan nang naaayon sa Anti-Graft Law at Unexplained Wealth Law.
Kamakalawa, dalawang empleado na naman ng Customs ang sinuspinde ng Ombudsman dahil bumagsak sa lifestyle check. Ang mga sinuspinde ng anim na buwan at hindi makatatanggap ng suweldo ay ang magkapatid na Ana Marie Concepcion Maglasang at Matilda Concepcion Millare. Si Maglasang ay Customs operation officer sa Port of Manila samantalang si Millare ay special deputy collector sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ang dalawa ay sumasahod ng P20,000 bawat buwan.
Ayon sa complaint , ang maraming ari-arian ng magkapatid at estilo ng kanilang pamumuhay ay masyadong kaduda-duda at hindi proportion sa kanilang kinikita. Kaduda-duda nga ang napakaraming ari-arian ng magkapatid at nakalulula pa. Mayroon silang sasakyan na nagkakahalaga ng P1.5 million at P1.4 million. Maraming bahay sa ekslusibong subdibisyon, may agricultural lots, may bahay bakasyunan at maraming beses nakapag-aabroad. Bukod sa mga mamahaling kotse, nagmamay-ari rin sila ng speedboat, trucks at vans.
Mabibili ba ang mga ito ng P20,000 suweldo bawat buwan? Hindi suspension ang katapat nang maraming yaman kundi pagkabulok sa kulungan. Kayanin kaya ng Ombudsman?