Walang political will

PATINDI nang patindi ang usapan tungkol sa jueteng at tuluyan nang tinukoy ng ilang mga testigo si Don Jose Miguel Arroyo at si Senorito Mikee Arroyo na tumatanggap ng pera mula sa ilegal na sugal na ito.

Silang dalawa rin ang deretsong tinukoy ng ilan sa mga testigong nakuha na ilang pahayagan bilang pinuno noong Chain of Collection o pinakamalaki ang tinatanggap sa jueteng.

Si Sen. Lito Lapid naman na Chair of Senate Committee of Games, Amusement and Sports ay nilinis agad ang pangalan ng kumpare niyang si Rodolfo "Bong" Pineda, sinasabing pinakamalaking kapitalista ng jueteng sa bansa.

Si Sen. Lapid rin nga pala ay taga Pampanga kung saan ang kanyang anak ang Gobernador ng naturang lalawigan at kung saan ang isang bayan ay mayor ang anak ni Pineda. Ang asawa rin nga pala ni Pineda ay dating alkalde rin ng Lubao.

Si Madam Senyora Donya Gloria nga pala ay taga riyan din sa Pampanga at kababayan din ni Bong Pineda samantalang ang anak niyang si Senorito Mikee Arroyo ay dating bise gobernador ng naturang lalawigan. Hindi ko rin ho matiyak kung totoong ninong ni Senorito Mikee si Bong Pineda.

Nagkataon lang kaya o malalim talaga ang samahan nila riyan sa Pampanga, yan ho ang nagiging katanungan tuloy ng kagaya naming hindi naman po galing sa mga angkan ng mga may dugong Señor, Señora, Señorito at Señorita.

Anyway, hindi lang jueteng witnesses ang pinatatawag nitong si Sen. Lapid kung hindi pati na ang mga involve raw sa Masiao, isa pang uri ng sugal naman sa Visayas at Mindanao.

Wala hong masama riyan pero tila ginugulo ang usapan at pinalalawak para lumabo. Kesa lumilinaw ang isyu tungkol sa patuloy na paglaganap ng jueteng ay lumalabo dahil maraming ibang isyu ang pilit na sinisingit nitong sila Sen. Lapid at mga kaalyado ni Madam Señora Donya Gloria.

Ang tanging katanungan dito ay bakit tuloy ang jueteng at bakit hindi ito masugpo ng administrasyon ni Madam Señora Donya Gloria?

Yun lang po ang tanging isyu, dahil alam ng lahat, kahit mga ordinaryong bata na laganap ang jueteng at hindi ito uubra at lalantad ng ganun kung walang proteksiyon sa mga matataas na opisyal, hindi lang ng kapulisan kung hindi ng mga Mayor, Gobernador at pati ilang mga tiwaling opisyal ng Malacañang.

Sa madaling salita, kung walang protection at go signal ng matataas na tao, hindi lalaganap ng ganun ang jueteng. Political will ang kailangan at hindi political payback o political cash.
* * *
Pinagpaliban ni Madam Señora Donya Gloria ang sentensyang kamatayan sa 21 convict, kasama na po ang mga rapists, mamamatay tao, kidnappers at iba pang mga krimen.

Ito ay sa kalagitnaan ng kampanya kuno ng Malacañang laban sa krimen na inamin ng Philippine National Police na tumaas nang mahigit 10 porsyento nitong taon.

Ito rin ay kasunod ng pinatawag nilang anti crime summit doon mismo sa Palasyo ng Malacañang at meeting sa pagitan ng mga pulis at mga mamamahayag na pinatawag ni Sec. Angelo Reyes ng Department of Interior and Local Government.

Kasunod din ito ng paghiling ni Madam Senyora Donya Gloria na pag-aralan daw kung ano pa ang karagdagang batas na kailangan upang mapababa ang krimen.

Madam Señora Donya Gloria, ano pa pong batas kung ayaw n’yo naman ipatupad ang batas na kamatayan ang hatol sa mga guilty ng karumal dumal na krimen. Bakit hanggang ngayon malambot ang puso n’yo sa mga kriminal at hindi sa mga biktima ng krimen?

O baka naman kulang lang talaga sa political will.
* * *
Kinakabahan si Tourism Secretary Ace Durano at Environment Secretary Michael Defensor na mapapabayaan daw ang Boracay dahil sa patuloy na pagkalat ng basura sa naturang isla na tiyak nating pinakamaganda sa buong mundo pagdating sa beaches.

Tama ho kayong dalawa na dapat ayusin ang basura sa naturang isla pero bakit hindi n’yo sapilitang ipatupad ang paggamit ng sewerage system ng naturang isla na na ilang taon na pong nakalatag diyan sa Boracay.

Bakit hindi n’yo ipilit sa lahat ng resort owners na gamitin ang sewerage system para yung problema man lang sa sewerage ay maayos at matugunan agad?

O baka naman takot kayo sa mga maiingay na mga resort owners na ayaw kumabit sa naturang sistema dahil ayaw nilang gumastos ng dagdag samantalang nakikinabang naman sila nang husto.

Political will lang po ang kailangan at nandiyan na rin po ang municipal ordinance na nilagdaan noon pa ng bayan ng Malay. Political will lang po ang kailangan pero tanong ko naman kaya kaya at meron ba kahit magalit ang mga maiingay na ito?
* * *
Para sa anumang reaksyon, sumulat lang sa nixonkua@yahoo.com o nixtkua@gmail.com o ’di kaya’y mag text sa 09272654341. Mapapakinggan n’yo rin po ang inyong lingkod sa MATA NG AGILA sa DZEC 1062 mula 6:15 hanggang 8:30 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes.

Show comments