Ipinagdidiinan ni Mikey na ang basehan ng arsobispo ay sabi-sabi lamang at hindi dapat pagkatiwalaan. Gustong palabasin ni Mikey na tsismoso ang arsobispo?
Ang konprontasyon nina Mikey at Cruz ay naganap sa isang hearing na ipinatawag ng House of Representatives Committee on public order and security. Binanggit ni Cruz na umaabot na sa P13 bilyon ang jueteng payola. Ibinigay ni Cruz kay Rep. Roilo Golez, chairman ng komite ang listahan ng 15 big-time jueteng operators.
Nakapagtataka naman kung bakit ganoon na lamang ang reaksyon ni Mikey sa alegasyon ni Cruz. Hindi pa natatagalan ibinulgar ng isang police official na tatlong kamag-anak ng isang mataas na pinuno ng pamahalaan na may code name na M1, M2 at JS7 ang tumatanggap ng payola mula sa mga jueteng operators. Nagkaroon ng espekulasyon na si M1 ay si FG Mike Arroyo at si M2 si Mikey.
Dapat ay matuwa ang mga matataas na opisyal ng ating pamahalaan sa ginagawang tulong ni Archbishop Cruz. Kung walang itinatago ang ating mga opisyal, hindi sila dapat masaktan sa mga ipinahahayag ng mga nais na magpaabot ng kanilang kritisismo. Siguro naman ay hindi guilty-conscience si Mikey kundi sensitibo lamang siya.