Sinabi ng World Health Organization na 25 percent ng mga nako-consumed na gamot sa mga developing countries ay mga peke. At sa maniwala o hindi, pati ang mga mauunlad na bansa ay hindi rin ligtas sa mga pekeng gamot. Sa Southeast Asia, ayon pa rin sa WHO, 10 percent ng mga ipinagbibiling drugs ay mga peke.
Ang pagsisiwalat ng WHO tungkol sa mga kumakalat na pekeng gamot ay minsan nang naibulgar noong nakaraang taon. At sa Pilipinas ay napabalita na rin na maraming gamot ang ibinibenta ng mga patakbuhing botika. Maski ang mga gamot sa sipon at sakit sa ulo ay pinepeke at mabibili sa mga patakbuhing botika. Ngayon ngay pati multivitamins ay mabibili na rin ng mura.
Sinabi ng mga health experts na ang mga pekeng gamot ay madali lamang gawin. Arina lamang umano ang ginagawang gamot at maaaring sa kusina lamang gawin. Saglit lamang marami nang pekeng gamot at maaari nang mabili ng taumbayan. Walang ipinagkaiba sa paggawa ng shabu na ngayon ay maaaring gawin kahit sa bahay na katabi ng presinto ng pulis.
Sa hirap ng buhay sa kasalukuyan, marami ang naghahanap ng murang gamot para lamang malunasan ang kanilang karamdaman. At masaklap kung ang kanilang mabibili ay mga peke pala na maaaring maging dahilan ng kanilang kamatayan. Kawawa naman ang mga mahihirap na nagnanasang madugtungan ang buhay subalit kabaligtaran ang kinahahantungan.
Nararapat kumilos ang pamahalaan sa nangyayaring pagkalat ng mga pekeng gamot. Ang kamahalan ng mga gamot ang nagiging dahilan kaya naghahanap ng mura ang mga mamamayan. Wala silang masulingan sapagkat hindi abot ng kanilang pera ang gamot na inirereseta ng mga doktor.
Isang magandang dapat gawin ng pamahalaan ay ang paghikayat na makalikha ng isang local pharmaceutical industry na gagarantiya sa may kalidad na gamot at mas mura. Hindi na kailangang pahirapan ang mga mamamayan sa pagbili ng gamot sapagkat matagal na silang naghihirap.