Hindi agad nabatid ng misis ang dagit. Bente minutos ang lumipas bago niya napansin ang mga nawawalang bagay. Itinawag niya sa mister ang sinapit. Saka lang niya nalaman na hindi lang pala cellphone at barya ang pinag-interesan. May natanggap palang text si mister: "Ano nga b ung PIN ntin?" Itinext back naman agad niya ang eksaktong numero.
Tumakbo sila sa bangko. Sabi ng manager, may kawi-withdraw lang ng maximum amount sa araw na yon, P40,000, gamit ang PIN sa ATM sa ibang branch. Patay, natangayan na ng mamahaling cellphone, nasalisihan pa ng libo-libo. Buti na lang napa-cancel nila agad ang credit card; kundi, baka nagamit din ito sa kung ano pang appliance o quick loan.
Paano nalaman ng mandurukot ang cell number ng mister at text language (Ingles, Tagalog, Bisaya) ng biktima? In-scroll lang ang directory at nakita ang "Hubby", short for husband. Sinilip din ang Sent at Draft messages, at natutunan ang estilo ng pagte-text. Mabilis lang lahat.
Leksiyon: Mag-ingat parati sa magnanakaw. Huwag gumamit sa contact list ng "Hubby", "Sweetheart", "Honey", "Mom", "Dad" at iba pang salitang mabilis mabatid ang relasyon. Ang "Home", maaring gamitin sa dugo-dugo operation, kung saan tatawagan ang katulong at sasabihing naaksidente ang amo kaya kailangan tungkabin ang drawer at dalhin lahat ng alahas at cash sa ospital. At kung mag-text ang asawa, magulang o anak tungkol sa PIN, tawagan ito para beripikahin. Huwag basta magpadala, miski na ba nagpadala ng love note ang kamag-anak; baka napulot lang ito sa Outbox o Archives. Oras na manakawan, i-report agad ang nawalang cellphone sa service provider, at ang ATM at credit card sa bangko at credit company para ipa-kansela. Huwag magpabiktima nang doble.