Gustong ipalit ni Santiago sa Bar exams ang National Law School Aptitude Test (NLSAT) at isang taong internship program bago tanggapin sa pag-aaral at pagpa-practice sa abogasya. Sa pamamagitan ng nasabing programa, mas madaling malalaman ang kakayahan sa pagsasalita, pagsusulat, pag-aanalisa at kung papaanong umiintindi sa kanyang binabasa ang isang nais maging abogado.
Mahigit sa 5,000 na nagtatapos ng abogasya ang kumukuha ng bar examinations taun-taon subalit 20 hanggang 30 porsiyento lamang ang nakakapasa. Ang karamihan sa mga nakakapasa taun-taon ay nakakuha ng isa, dalawa o tatlong beses na. Ika nga, mga repeaters na.
Naku, mga katoto, talagang totoo ito. Marami sa ating mga abogado ay palpak. Hindi sila makapagsalita ng tamang ingles at pawarde-warde kung sumulat na akala mo ay pasang-awa sa grade two. Siguro ay nadinig na ninyo ang istorya tungkol sa isang taong inakusahan ng pananampal. Kumuha ito ng isang abogado upang ipagtanggol siya. Sa kapalpakan ng abogado, tumagal nang maraming taon ang kaso. Sa bandang huli, ang taong nanampal ay nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong.
Matagal na sanang dapat mabago ang sistema ng pag-aaral at pagsasanay ng ating mga manananggol. Kaya nga siguro lalong gumugulo ang bansa natin. Marahil ay dahil na rin sa ang mga humahawak ng kapangyarihan na gumagawa, nagpapairal at humuhusga ng batas ay mga abogado na tagilid at kulang ang kaalaman. Sana nga ay matuloy na ang magandang panukalang ito ni Senator Miriam.