Ang tangkang pagpatay kay Seguismundo ay naganap ilang araw bago sumapit ang World Press Freedom Day noong Martes. Hindi pa natatagalan nang pagbabarilin hanggang sa mapatay si Marlene Esperat noong March 24, 2005 (Huwebes Santo). Binaril si Esperat sa loob mismo ng kanyang bahay at sa harap pa ng kanyang mga anak. Bumulagta si Esperat. Umagos ang dugo. Hanggang ngayon hindi pa nalulutas ang kaso. Si Esperat ay matapang na columnist ng Midland Review sa Sultan Kudarat.
Kabilang sa mga journalists na pinatay ngayong 2005 ay sina Edgar Damalerio, Edgar Amoro at Noel Vilalarante. Katulad ni Esperat, wala pa ring makitang liwanag kung kailan malulutas ang pagpatay sa kanila.
Hindi nakapagtataka kung ipahayag ng New York-based Committee to Protect Journalists (CPJ) na ang Pilipinas ang numero unong pinaka-delikadong lugar para sa mga mamamahayag. Sumusunod sa Pilipinas ang Iraq at sinundan ng Colombia, Bangladesh at Russia. Ang CPJ ay non-partisan at non-profit organization na dedicates para sa pagtatanggol ng mga journalists at kalayaan sa pamamahayag. Binatikos ng CPJ ang kawalang aksiyon ng gobyernong Arroyo sa mga pinapatay na journalists. Binatikos din ng Paris based Reporters Sans Frontieres (Reporters Without Borders) o RSF ang gobyerno dahil sa pagpapabaya sa walang patumanggang pagpatay sa mga journalists.
Sinabi naman ng Malacañang na masyadong eksaherado ang report. Gumagawa raw ng paraan ang gobyerno para maproteksiyunan ang mga journalists.
Mahirap namang paniwalaan ang sinabi ng Malacañang sapagkat hanggang ngayon wala pang napaparusahan dahil sa pagpatay sa mga journalists. Patuloy na gumagala ang mga suspects at naghihintay lamang marahil ng utos para may bariling journalists. Nasaan ang pangako ng gobyerno?