Noong nakaraang linggo, sinabi ni Dagupan-Lingayen Archbishop Oscar Cruz na masyado nang talamak ang jueteng. Hindi ito ang unang pagkakataon na binira ng arsobispo ang pamahalaan dahil sa hindi masugpong illegal na sugal. Sinabi pa ni Cruz na kaya hindi masugpo ang jueteng ay sapagkat malaki ang napapakinabang ng mga public officials. Lalong lumala ang jueteng at walang kakayahan ang gobyerno na wasakin ang mga illegal gambling operators.
Nagkaroon ng hugis ang mga sinabi ng arsobispo nang lumutang nga ang "Big 3" na may mga code na M1, M2, at JS7. At nakagigimbal malaman na P2 milyon pala ang kanilang natatanggap bawat buwan. Pero may nagsabing hindi lamang P2 milyon kundi P3 milyon ang kabuuang natatanggap ng "Big 3". Napakalaki nito kaya naman hindi nga basta-basta mapapawalan ang illegal na jueteng. Busog na busog ang bulsa.
Nagkaroon ng ispekulasyon na ang binabanggit na M1 at M2 ay sina First Gentleman Mike Arroyo at anak niyang si Pampanga Rep. Mikey Arroyo. Pero ang sabi naman ng Malacañang, hindi sila basta pumapatol sa mga rumors.
Mas matindi ang jueteng ngayon kaysa sa panahon ni dating President Estrada. Ang jueteng ang nagpabagsak kay Estrada makaraang ibulgar ng kanyang kaibigang si dating Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson. Dawit din sa jueteng scandal ang anak ni Erap na si Jinggoy Estrada, ngayon ay senador. Sa kabila na naibagsak ng jueteng si Estrada noong 2001, nakapagtatakang walang nangyari sa kampanya ng pamahalaan na mabasag ang jueteng at lalo pa ngang naging talamak.
Ngayoy isang imbestigasyon ang gagawin ng Senado para mahubaran ang mga nasa likod ng code name na M1, M2 at JS7. Totoo kaya ito? Ewan. Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na alam na niya kung sino sina M1, M2 at JS7.
Hubaran ang mga nakikinabang sa jueteng. Iligtas sa lalo pang paghihirap ang mga dukhang iniaasa sa jueteng ang kanilang kinabukasan. Lumantad naman ang may nalalaman sa "Big 3" para lalong maging matibay ang ebidensiya at nang mabitay ang tatlo.