Paninira, isa pang solusyon sa kahirapan!

MAYORYA ng Pilipino ay gusto nang paalisin si Madam Senyora Donya Gloria sa Palasyo ng Malacañang at nakakarami rin sa mga kababayan natin ang nawawalan na ng pag-asa dahil sa patuloy na paghihirap na dinaranas.

Ang mga dismayado naman kay Madam Senyora Donya Gloria ay lumalaki na rin ang bilang at patuloy na bumabagsak ang kanyang satisfaction at popularity ratings kahit na paulit-ulit at parang sirang CD na ang Malacañang sa kasasagot na aangat din daw ang approval ratings ni Madam GMA kapag naipatupad na ang mga repormang ginagawa raw nila.

Wala nang gimmick at press releases na magagawa si Madam Senyora Donya na mag-aangat sa kanyang ratings. Dismayado na ang sambayanan at kahit na bilhin niya lahat ng miyembro ng media (na imposible naman bagama’t may ilan na alam nating nasa payola ng mga PR niya) ay naglaho nang parang bula ang tiwala sa kanya ng sambayanan.

Kahit anong pakulo kasi ang gawin nila ay walang maniniwala sa kanila dahil ang katotohanan ay patuloy ang pagdanas ng sambayanan, lalo na ang masang Pilipino ng matinding paghihirap.

Sa madaling salita sawang-sawa na ang sambayanan sa hirap at nagnanais na makakita ng pinuno na maiaahon sila sa kahirapan at mailayo sa grabeng corruption at katiwalian na bumalot na hindi lang sa administrasyon ni Madam Gloria kung hindi sa lahat ng sektor ng lipunan.

Sa survey nga ng Ibon Foundation, mayorya ng Pinoy gusto nang mawala si Madam Gloria sa Malacañang at ang pangunahing nais nilang ipalit ay si Sen. Panfilo "Ping" Lacson.

Sumunod kay Ping si Vice President Noli de Castro at sinundan ni dating Pangulong Erap, dating senador Raul Roco, Susan Roces at Loren Legarda.

Ang pag-angat ni Ping ay patunay na naghahanap ang sambayanan ng isang lider na gagamit ng kamay na bakal. Yung hindi magbibiro at walang sasantuhin na nakikita nila sa katauhan ni Sen. Lacson na tanging hepe ng Philippine National Police (PNP) na nag-alis ng kotong, nagpaliit ng tiyan ng pulis, nagbuwag ng jueteng, nagpababa ng krimen at higit sa lahat nagbalik ng tiwala sa kapulisan ng sambayanan.

Kay Lacson din kasi nakikita ng sambayanan ang isang mamumuno na kagaya ni dating Malaysian Prime Minister Mahathir, Singaporean President Lee Kuan Yew at Thailand Prime Minister Thaksin Shinawatra.

Itong tatlong lider na ito ang gumamit ng kamay na bakal sa kani-kanilang bayan at tinuturing na dahilan kung bakit maunlad at maganda ang kabuhayan ng kanilang mamamayan.

Pero kesa matauhan si Madam Senyora Donya Gloria sa resulta ng mga survey na ayaw na sa kanya ng sambayanan at meron na ngang napipisil na ipalit sa kanya ay nagbulagbulagan na naman ang Malacañang at sagot pa ay gagamitin lang daw sa destabilization ang survey na ito.

Kesa tanggapin nila ang katotohanan at harapin ang mga problema, nililigaw agad ng Malacañang ang buong bayan, kasama na ang sarili nila na niloloko nila, sa pamamagitan ng pagdivert sa problema.

Katunayan nga, sagot nila sa suliranin ay taasan ang VAT, kuryente, gasolina, presyo ng pangunahing bilihin at higit sa lahat panibagong press releases na walang idudulot na solusyon kung hindi magandang basahin dahil ayos na ayos naman ang pagkakasulat.

Bukod diyan, komo tukoy na naman nila ang tinuturing nilang kalaban nila, asahan sa susunod na araw ang paglitaw na naman ng mga katulad nila Rosebud, Ador Mawanay at iba pang mga bataan nila na magagaling sa special operations.

Katunayan, ito siguro ang dahilan bakit lumitaw na naman si Armando Capili. Isang dating reporter daw ng tabloid na star witness kuno ng NBI laban kay Sen. Lacson sa kaso ng Kuratong Baleleng.

Naka-shade pa itong "secret agent" ni NBI Director Reynaldo Wycoco, isa pang mayamang opisyal ni Madam Senyora Donya Gloria na mayaman daw ang kapatid na nasa London kaya nakapagpatayo ng bahay na kung ilampung milyon ang halaga.

Nakapasok si Capili sa Senado noong nakaraang linggo pero ni wala ang pangalan niya sa listahan ng pumasok. Wow Philippines talaga, mukhang may panibagong siraan na naman.

Problema lang nila ngayon, umatras na si Mawanay at inaming binayaran lang siya. Si Rosebud naman, umamin na rin na binayaran siya at si Sir Señor Don JOSE Miguel Arroyo pa ang umayos ng pambayad sa kanya.

Si Capili na lang ang natira. Pero sa hirap ng buhay, marami naman silang kayang bayaran. Yan ang solusyon nila, ipamahagi ang katiting na ninakaw sa sambayanan at ipambayad sa mga bayaran upang siraan ang mga kinatatakutan nila.

Galing galing talaga nila, solusyon nila ay problema. Ha-ha-ha!!! Gising na ang sambayanan, lagot kayo at galit na galit na. Wala na ring naniniwala sa inyo.

Kayo anong palagay n’yo, dapat na bang palitan at sino ang dapat ipalit. Text lang sa 09272654341.
* * *
Para sa anumang reaksyon, sumulat lang sa nixonkua@yahoo.com o nixtkua@gmail.com o di kaya’y mag text sa 09272654341. Mapapakinggan n’yo rin po ang inyong lingkod sa MATA NG AGILA sa DZEC 1062 mula 6:15 hanggang 8:30 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes.

Show comments