Maton ng Quiapo

"NAKATUWAAN lang naming magpaputok," palusot ni Weng Macabato, 26, nang mahuli sa panggugulo sa press conference ng National Muslim Peace and Order Council sa Quiapo mosque. Pilit niyang pinagaan ang sala nila nina kapwa-maton na magkapatid, Hadji Ali, 42, at Hadji Malik Lucman, 45. Tinutukan nila ng M16 rifle at .45-caliber pistol ang reporters at pagpapaputok sa ere.

Pero lumitaw ang tunay na istorya nang iharap ni Manila Mayor Lito Atienza si Macabato sa reporters. Okey lang aniya sila mag-cover sa Barangay 648-67, basta magpaalam muna sa kanila. Nabuwisit si Atienza at mga reporters sa asta ni Macabato. Sino ba siya at sina Lucman para magbigay ng pahintulot para maka-cover ang reporters?

Sila ay goons ni Barangay Chairwoman Bai Norhaina Lucman at asawa nitong Macacuna, isang dating pulis. Matagal nang naghahari-harian ang mag-asawa at mga maton nila sa Muslim area ng Quiapo. Pilit nilang kinokontrol lahat ng kilos at kalakal sa lugar sa pananakot. De-baril sila, pero walang lisensiya, at lalong walang permit to carry. Akala mo nasa sinaunang panahon pa ang barangay.

Oo nga’t halal si Bai (Princess) Norhaina. Pero bitbit niya sa Quiapo, sa gitna ng maunlad na metropolis, ang lumang sistemang datu na isa sa sanhi ng kahirapan sa Muslim Mindanao at nagbunsod ng ilang rebelyon. Sa isip ng pangkat niya, sila ang may-ari ng pook kaya dapat sumunod sa kanilang utos ang lahat.

Sa totoo, espiya sila ng pulis kontra-Islamist terrorists. Pero gamit nila ang poder at impluwensiya sa marahas na pamumuno. Wala silang pinagkaiba sa mga teroristang kalaban kuno. Marami nang taga-Quiapo, karamihan Muslim at ilang Kristiyano, ang umaangal sa malagim na pamumuno si Bai Norhaina at mga maton. Pati ang respetadong Datu Amerol Gulam-Adiong, chairman ng Council at ng mosque, pinahiya nila. Iling ni Adiong, "nag-presscon kami para ipakitang mapayapa kaming mga Muslim, tapos ito pa ang nangyari."
* * *
E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments