EDITORIAL - Agency na naglulusot ng OFWs sa Iraq, hagupitin

PARANG manok na binabaril ang mga overseas Pinoy workers sa Iraq. Ang pinaka-latest na binaril at napatay ay si Marcelo Salazar, 46, driver, taga-Cebu. Napatay si Salazar noong nakaraang April 14 habang minamaneho ang US military truck at atakehin ng mga insurgents. Ang pagpatay kay Salazar ay nangyari ilang araw matapos barilin at mapatay naman ang isa pang OFW na si Rey Torres, 30, driver at security guard ng isang establishment. Taga-San Fernando, Pampanga. Nagtungo sa Iraq si Torres noong December 2003. Sumasahod siya ng $350. Bago ang pagpatay kina Salazar at Torres, lima pang Pinoy na nakaligtas sa ambushed ang nakarating na sa Pilipinas noong Lunes. Ang lima ay sina Francisco Luz, Sherylyn Fontanilla, Imelda Talibao, Ginalyn Mejia at Cherilyn Valdez. Nang interbyuhin ang lima, sinabing mag-aabroad pa rin sila kahit na dumanas nang nakahihindik na karanasan sa Iraq. Hindi pa rin sila mapipigilan.

Parang mga manok na pinapatay pero sa kabila niyan, hindi pa rin mapigilan ang mga Pinoy na makapag-abroad. Hindi nakapagbigay ng takot kahit ilang Pinoy na ang dinukot ng mga rebeldeng Iraqi. Una ay si Angelo de la Cruz na dinukot noong July 2004 at si Robert Tarongoy na kinidnap noong November 2004. Hanggang ngayon, hawak pa ng mga rebelde si Tarongoy. Pinalaya naman si De la Cruz makaraang i-pullout ng Philippine government ang maliit na military contingent doon.

Matagal nang ban ang pagpapadala ng mga Pinoy workers sa Iraq. Nagsimula ang ban mula nang i-abduct si De la Cruz noong nakaraang taon pero ang nakapagtataka ay patuloy pa rin ang pagpapadala ng mga Pinoy workers doon. Ibig sabihin hindi nasusunod ang kautusan ng gobyerno. Balewala ang pagsisikap at sa dakong huli ang gobyerno rin ang nagpapasan ng hirap sa sandaling magkaroon ng problema gaya nang nangyari kay De la Cruz at iba pang OFWs.

Kung hindi sa mga dupang na recruitment agency na nagpupuslit ng mga Pinoy sa Iraq hindi magkakaroon ng problema. Sinasabing ang pinaka-latest na biktima ng mga Iraqi rebels na si Salazar ay undocumented workers doon. Ibig sabihin nakaalis siya sa panahong ipinatutupad ang ban. Dapat mabusisi ang ganitong kaso at kapag napatunayan, kasuhan ang agency na nagpaalis kay Salazar. Patawan nang mabigat na parusa. Dahil sa mga dupang na agency kaya patuloy ang pagdagsa ng mga Pinoy doon at kapag nagkaroon ng problema ay hindi naman mahagilap ang mga nag-recruit.

Kamay na bakal ang nararapat sa mga dupang na recruitment agencies.

Show comments