Dapat mag-isip-isip ang gobyerno. Baka kulang sa ngipin ang kampanya laban sa terorismo. Pribadong mamamayan na ngayon ang may akda ng anti-terrorism bill na si ex-Senator Robert Barbers. Hangga ngayoy wala pang linaw kung mapagtitibay ang kanyang panukalang batas.
Sanay hindi sumusuntok sa buwan si Barbers sa kanyang panawagan ngayon sa Kongreso na bigyang prayoridad ang pagpasa sa kanyang bill na aniyay "magpapalakas sa krusada kontra terorismo."
Sa panukalang batas ni Barbers, itinatadhana na huwag sakupin ng anti-wiretapping law ang pagtugaygay sa mga terorista. Sa gayung paraan ay masusubaybayan ang galaw ng mga terorista. Sa ngayon, nalilimitahan ang mga awtoridad sa pag-surveillance sa mga terorista ng batas laban sa wiretapping.
Kung walang ngipin ang batas laban sa terorismo, umasa lang tayo na lalo pang titindi ang mga karahasan tulad ng nangyari sa EDSA at Makati at ilang bahagi ng Mindanao na pinagbuwisan ng buhay ng maraming inosenteng sibilyan. Tuloy naihahanay ang ating bansa sa mga dapat iwasan ng mga banyaga dahil sa posibleng panganib sa kanilang buhay. Masama ang epekto niyan sa ekonomiya. "Turn off" ito sa mga turista at investors.
Nakakadismaya na bagaman at may mga nahuhuling suspek sa terorismo, kalaunan ay napapalaya sila sa kakulangan ng ebidensya kung hindi man nakatatakas (o pinatatakas?) sa kanilang mga piitan.
Ayon kay Barbers, ang dapat lang gawin ay iparaan sa Department of Justice ang lahat ng search warrants at pagsasagawa ng wiretapping operations para maiwasan ang pang-aabuso.
Bakit nga hindi magsagawa ng survey para tasahin ang acceptability ng panukalang batas ni Barbers. Tiyak ko na sa tindi ng pandarahas ng mga terorista sa ngayon, marami ang kakatig sa panukalang batas na ito. Mas importante ito kaysa mga batas na pipiga sa dugo ng taumbayan sa pamamagitan ng bagong buwis.