Ang pinakahuling biktima ng pamamaril ay si dating Pasig congressman Henry Lanot. Binaril siya ng isang lalaki habang kumakain sa Jade Palace restaurant sa Shaw Boulevard noong nakaraang linggo. Sumulpot ang isang lalaki at binaril siya nang malapitan. Sapol sa ulo si Lanot at bumagsak sa kinakainang table. Pagkatapos barilin, walang anumang umalis ang lalaki. Hindi naman nakakilos ang mga kasamahan ni Lanot dahil sa pagkabigla. Nanggaling umano sa comfort room ang gunman at kaswal na lumapit kay Lanot. Isang kalibre 45 na baril na may silencer ang ginamit. Ayon sa mga kaibigan ni Lanot, pulitika ang dahilan ng pagpatay.
Noong Huwebes Santo, binaril at napatay din ang matapang na kolumnista ng The Midland Review sa Tacurung, Sultan Kudarat na si Marlene Garcia-Esperat. Pinatay si Esperat sa loob mismo ng kanyang bahay at sa harap pa ng kanyang mga anak. Apat na suspects na ang naaresto subalit ang "utak" ng pagpatay ay nangangapa pa ang mga pulis. Ayon sa mga pulis lutas na ang kaso ng pagpatay. Pero paano masasabing lutas kung ang utak ay hindi pa nadadakma.
Marami pang nabiktima ng pamamaril. Ilang taon na ang nakararaan, isang Ateneo Law graduate ang binaril at napatay ng isang lalaking nasagi niya habang nagda-drive. Nakasakay sa motorsiklo ang suspect nang masagi ng kotseng minamaneho ng Law graduate. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nahuhuli ang pumatay sa Law graduate.
Noong nakaraang linggo, nabulabog ang isang meeting sa Quiapo nang tatlong lalaking umanoy bodyguard ng barangay chairwoman ang nagpaputok ng baril. Marami ang nagulantang nang magpaputok ang mga lalaki. Nahuli na ang tatlong lalaki ngunit itinanggi na sila ay bodyguard ng barangay chairwoman. Nagkatuwaan lamang daw sila kaya nagpaputok. Gayunman, hindi na nabawi ang mga baril. Saan nanggaling ang kanilang mga baril?
Malaking hamon sa PNP ang mga "loose firearms" na ngayon ay ugat nang malalagim na krimen. Hanggat hindi nakokontrol ng PNP ang pagkalat ng mga baril, marami pang madudugong krimen ang lilikhain.