Malabo ang nakikita sa Nida murder at lalo pa ngang naging malabo sapagkat ang mga orihinal na kopya ng extraditon case laban kay Strunk ay kinain ng mga anay. Yes, mga anay. Ang nagpahayag ng nakadidismayang kinahinatnan ng mga original documents ay si Justice Sec. Raul Gonzalez. Isang malaking embarrassment para kay Gonzales ang pagkakasira sa mga dokumento. Ganito na ba ang nangyayari sa DOJ? Masyadong pabaya na sila sa mga mahahalagang dokumento. Mas lalo nang mahihirapan ang Pilipinas na maibalik si Strunk dito at malabo na ring makamtan ni Nida ang hustisya.
At kung ang mga dokumento nang malalaking kaso na gaya ng Nida Blanca ay nasisira ng anay, paano na ang mga maliliit na kaso? Hindi na maibabalik ang kinain ng anay. Naglaho nang parang bula.
Maraming anay sa DOJ at maaaring hindi lamang ang dokumento sa extraditon case laban kay Strunk ang nasira. Tiyak na may nakain na ring mga mahahalagang papeles na matagal nang naghihintay ng hustisya ang may-ari.
Maraming kaso sa bansang ito ang hindi pa nalulutas sa kabila na taon na ang lumipas. Patuloy na naghihintay ng katarungan ang mga kawawang biktima at kanilang kamag-anak. Hindi nila alam kung hanggang saan aabot ang kanilang paghihintay sa hustisya.
Lason sa anay ang nararapat isaboy sa DOJ para mapatay at lumayas ang mga anay. Kung hindi lalasunin, patuloy sa pagsira ang mga anay at magugulat na lamang sapagkat marami na silang nasira. Lipulin ang mga anay sa DOJ at baka magising ang lahat na gumuguho na ito. Kawawa naman kung maraming masisirang dokumento na magiging katibayan sa kasong kanilang ipinaglalaban. Lipulin ang mga anay sa DOJ.