Eco-tourism spots, malaking tulong sa pananalapi

ANG Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay patuloy na pinagyayaman at pinagaganda ang mga lugar sa buong bansa na sagana sa ecological diversity at natural wonders na kung tawagin ay eco-tourism spots. Bilang alternatibong dstinasyon ng mga turista, malaki ang potensyal na mapasigla nito ang ekonomiya ng mga maliliit at malalayong komunidad.

Sa pamamagitan ng Parks and Wildlife Bureau ng DENR, tinututukan nito ang apat na protected areas sa bansa. Ito ay ang Rajah Sikatuna sa Bohol; Hundred Islands sa Pangasinan; Mt. Mayon sa Albay; at Lake Sebu sa South Cotabato.

Community-based ang paraan ng pangangalaga sa mga protected areas na ito. Kung kaya may kampanyang pangturismo man o wala, tuluy-tuloy ang pangangalaga sa mga kayamanang pangkalikasan na ito ng mga komunidad na sakop ng protected areas.

Maliban dito, idineklara rin bilang protected areas ang Mt. Apo Natural Park sa Davao Peninsula ayon sa Republic Act 9237; Mt. Malindang Natural Park sa Misamis Occidental (RA 9304) at Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary sa Davao Oriental ayon naman sa RA 9303.

Pagpapatunay lang na kapag inalagaan nang maayos ang mga eco-tourism spots at iba pang tourist spots sa bansa, malaki ang maitutulong nito sa pangkalahatang kaunlaran ng bansa.

Show comments