Subalit kung masaya ang taga-Bulacan sa ginawa ko at ng CIDG, tiyak nalulungkot sa ngayon si Sr. Supt. Benedicto Fokno, ang provincial director ng Bulacan. Biro nyo, nawalan ng P30,000 kada linggo si Fokno kayat hindi maidrowing sa ngayon ang kanyang mukha. Talagang hindi kikilos si Fokno laban kina Randy Sy at Buboy Go dahil mas malaki pa sa suweldo ni Presidente Arroyo ang tinatanggap niya kada-buwan sa dalawang VK operator, di ba mga suki? Kung may posas ang dalawang kamay ni Fokno laban kina Randy Sy at Buboy GO, aba tiyak ganun din ang mga kamay nina Mayor Eddie Alarilla ng Meycauayan at Pope Buencamino ng San Miguel. He-he-he! Si Dapat lang pala ang kasagutan sa problema ng mga magulang sa Bulacan.
Hindi lahat ay masaya sa ginawa ko sa Bulacan. Mayroon ding nagalit sa akin at napatunayan yan sa sunud-sunod na text messages na natanggap ko mula nang hiritin ko ang mga makina nina Randy Sy at Buboy Go doon. Kinunsensiya ako nang nag-text sa akin na may mukha pa raw akong banatan si Randy Sy at Buboy Go samantalang may P2,000 lingguhan ako sa kanila. Hindi lang yan! Tumanggap din daw ako ng laptop mula sa dalawang VK financiers. Pero sa sobrang dami ng text na natanggap ko, isa lang ang naglalaman ng tama, na akoy sanay na sa death threat. Pero sa kasamaang-palad, dalawa lang sa mga numero ng nag-text sa akin ang nailista ko. Ito ay ang 0921-8259741 at 0921-8185934. Huwag kang mag-alala kaibigan at makikilala ko rin kayo dahil ibinato ko na ang mga nabanggit na numero sa mga suki ko sa National Bureau of Investigation (NBI). Magkikita rin tayo sa darating na mga araw.
Pero nakatataba rin ng puso na kung may tumawag ng death threats, aba may pumuri naman sa akin lalo na yaong taga-Bulacan. Nagpasalamat sila sa pagmamalasakit ko sa bayan nila lalo na sa kabataan na maaaring malulong sa droga at krimen bunga sa naglilipanang makina nina Randy Sy at Buboy Go. Ipinagdasal din nila na sanay magtuluy-tuloy na itong isinasagawang raid ni Dapat para malinis na ang Bulacan ng video karera. Nagpapasalamat din sila kay Dapat dahil may mga opisyales pa pala ng gobyerno natin na puwedeng lapitan at umaksiyon kapag ilegal na pasugalan ang pag-uusapan.
May balita naman na nakarating sa akin na hindi naman inaalintana nina Randy Sy at Buboy Go ang pagbubulgar ko ng video karera operations nila sa Bulacan. Pang-Maynila lang daw ako at hindi dapat matakot sina Fokno, Alarilla at Buencamino. He-he-he! May binesa pa talaga itong sina Fokno, Alarilla at Buencamino laban kay Interior Sec. Angelo Reyes, no mga suki? Kung palaos naman na sina Randy Sy at Buboy Go, umuusbong naman ang pangalan ng isang William na papalit umano sa VK operations nila. Mga suki, wag kayong magsawa sa pagbigay sa akin ng impormasyon ukol sa video karera nina Sy at Go sa Bulacan. Magtulungan tayo. Abangan!