Si Esperat, 45, ay kolumnista ng Midland Review sa Tacurong City, Sultan Kudarat. Ibinubulgar niya ang corruption sa pamahalaan nang walang patumangga. Matatalas ang kanyang banat at nakasusugat. Siya ay dating chemist sa Department of Agriculture sa Maguindanao. Habang nasa DA napansin niya ang mga kakulangan sa departamentong hinahawakan. Walang kaukulang pasilidad ang laboratoryo roon. At natuklasan niya, mayroon naman palang pondo ang kanilang laboratoryo subalit hindi iyon ibinibigay. Nagreklamo siya tungkol dito at saka lamang inaksiyunan. Natuklasan din niya na ang nakalaang pondo sa laboratoryo ay P400,000 subalit ang ibinigay lamang ay P175,000. Muli siyang nagreklamo at pinaimbestigahan nang noon ay Agriculture Sec. Salvador Escudero. Habang iniimbestigahan, nasunog ang DA office. Hanggang sa mabulgar na sadyang ipinasunog iyon upang wala nang ebidensiya.
Nagbitiw si Esperat noong nakaraang taon at sinimulan ang krusada laban sa mga corrupt sa pamahalaan. Pero malagim ang naging wakas ng kanyang krusada. Isang bala ang tumapos sa kanya. Pinasok siya sa kanyang bahay noong Huwebes Santo at binaril sa harap ng kanyang mga anak. Tumimbuwang ang matapang na mamamahayag. Sayang! Si Esparat ang ika-apat na mamamahayag na itinumba ngayong 2005.
Nakidalamhati si President Arroyo at ipinag-utos na ang malalimang imbestigasyon sa pagpatay kay Esperat. Isang special task force ang pinamunuan ni Senior Supt. Rodolfo Mendoza at Chief Supt. Antonio Billones. Pero nakapagdududa kung malulutas ng pulisya ang pagpatay. Paanoy isang PNP colonel at anak nito ang umanoy sangkot sa pagpatay. Itinuturo ring kasabwat ang isang pulitiko at negosyante.
Hindi sana mapabilang ang kasong ito sa mga nakatambak at inuuod na. Hustisya para kay Esperat.