Napadaan ako sa isang elementary school sa Muntinlupa City. Nakahilera pa rin ang mga tindahan sa harapan ng eskuwelahan. Ibat iba ang mga itinitinda na karamihan ay nakatiwangwang lamang. Wala man lang proteksyon sa mga langaw. Ang mga ginagamit na baso para sa mga inuming pampalamig tulad ng sago ay hinuhugasan sa pamamagitan ng paglubog ng mga baso sa isang palanggana na may tubig na ilang ulit na yatang nagamit.
Ang inuming tubig ay nasa isang lalagyan na wala man lamang takip. Mayroon akong napansing ipinagbibiling tubig na nasa plastic subalit ang mga ito ay walang seal na nagpapahiwatig na ang lalagyang plastic ay nagamit na. Sinasalinan lamang marahil at saka ibebenta. Ganito rin ang napapansin ko sa mga inilalakong tubig sa kalye. Kung naka-seal man, hindi maayos ang pagkakagawa.
Dapat lamang na maging mahigpit ang Department of Health, Department of Trade ang Industry at DepEd. Malamang na maulit ang nangyari sa Bohol. Siguruhin ang kaligtasan ng mamamayan at lalong higit ang mga kabataang estudyante.