Ang mas masakit ay kung mamatay ang isang Pinay sa ibang bansa at ang mismong suspect pa sa pagpatay ay ang kanyang asawang dayuhan. At mas mahapdi kung sa kabila nang nangyaring pagpatay ay walang naaaninag na hustisya. Parang manok na lang na pinapatay ang Pinay,
Katulad nang ginawang pagpatay kay Veneranda Pana habang nasa Netherlands. Kaawa-awa ang nangyari kay Veneranda. Pinatay si Veneranda at ang prime suspect sa pagpatay ay ang kanyang asawang Dutch na si Edwin Tenwinkel at ang lalaking kapatid. Nawala noon pang 2001 si Veneranda at naalarma ang mga kaibigan niyang Pinoy kaya ipinakiusap sa isang sikat na Dutch crime television reporter na si Peter de Vries na i-cover at i-feature ang misteryosong pagkawala ni Veneranda. Dahil sa report na iyon kaya na-reopen ang kaso.
Noong January 2005, nadiskubre ng mga pulis ang bangkay ni Veneranda na nakatago sa bahay ng kapatid ng kanyang asawang si Edwin Tinwinkel. Ang pagkakadiskubre sa bangkay ang naging dahilan para arestuhin si Tinwinkel. Umanoy nais ng pamilya ni Tinwinkel na sa Netherlands na ilibing ang bang-kay ng biktima subalit hindi pumayag ang pamilya ni Veneranda. Sa pamamagitan ng Philippine Embassy doon ay nabawi ang bangkay at naiuwi na sa Pilipinas. Dinala ito sa hometown ni Veneranda sa Cebu City at inilibing na noong Linggo.
Katarungan ang sigaw ng pamilya ni Veneranda. Hindi dapat maisama sa hukay ang misteryosong pagkamatay niya na kagaya ng ibang Pinay. Marami nang Pinay ang inabusot pinatay sa ibang bansa pero hindi nakakamit ng hustisya. At ngayon ngay si Veneranda, na matapos pakasalan ng isang Dutch national ay natagpuang bangkay. Pakilusin ng pamahalaan ang mga awtoridad para makamit ang katarungan.