"Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.
"Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.
"At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.
"Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na silay nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang makaaalam nito. Siya, na nakakakaita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim, ang gaganti sa iyo."
Binibigyang-diin ang tamang mga intensiyon. Hindi natin dapat ipakitang-tao ang ating mga pangrelihiyong kinagawian. Hindi natin dapat ipagmalaki sa publiko ang mga kabutihang ginagawa natin. Sa ating pagdarasal, sinasabi sa atin na dapat tayong manalangin nang palihim. Ang Amang nasa langit ang magbibigay ng ating mga kahilingan.
Ang pag-aayuno ay hindi lamang ang pagbabawas ng pagkaing ating kinakain. Kapag tayoy nag-aayuno, pinapakain din natin ang mga nagugutom. Ang pag-aayuno ay maisasagawa din sa pagbabawas ng sigarilyo. Maaari rin tayong mag-ayuno sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga oras na iginugugol natin sa panonood ng telebisyon at pelikula.
Maraming paraan ng pagkakait sa sarili. Ito ang tamang gawi at mga gawain na dapat mayroon tayo, lalo na sa panahon ng Kuwaresma. Ito ang paraan ng pakikibahagi sa pasyon ni Jesus at sa muli Niyang pagkabuhay.