Pagbubukas ng video karera sa Maynila sampal kay Aglipay

NAGBUKAS na ang video karera sa Maynila noon pang nakaraang Sabado. At siyempre, ang nasa likod ng pamamayagpag na muli ng video karera sa kaharian ni Manila Mayor Lito Atienza ay walang iba kundi ang inaanak niyang si Randy Sy. Anak ng Diyos pala ang tawag ng mga ilegalista sa Maynila dito kay Randy Sy, dahil hindi siya kayang supilin ng ninong niyang si Atienza nga. Kaya sa ngayon, pula na naman ang hasang ng kapulisan sa Western Police District lalo na ang hepe nila na kaibigan kong si Chief Supt. Pedro Bulaong, ayon sa kausap ko sa WPD. Pero parang malakas na sampal itong pagbukas ng video karera sa Maynila kay PNP chief Dir. Gen Edgar Aglipay. Pinatunayan nito ang akusasyon sa kumakalat na white paper sa WPD na si Bulaong ay ‘‘untouchable’’ sa PNP dahil direkta siya sa Palasyo at hindi kayang supilin ni Aglipay nga, he-he-he! Sariling kaharian ni Bulaong ang Maynila at wala siyang pakialam kay Aglipay, di ba mga suki?

Dahil nga sa sobrang lakas ni Randy Sy kay Atienza, ang ginawa ng mga iba pang video karera operators ay nag-umbrella na lang sa kanya. Ayon sa kausap ko sa WPD, tumataginting na P1 milyon ang ginastos ng grupo ni Randy Sy para mabuksan na muli ang ilegal nilang negosyo. Ang ibig kung sabihin nagbigay sila ng ‘‘grease money’’ sa bagman ni Bulaong pati na sa mga station commanders ng WPD. Get n’yo mga suki?

Siyempre, kung nakinabang ang WPD sa pagbukas ng video karera sa Maynila, hindi rin pahuhuli ang mga operating units ng NCRPO ni Dir. Avelino Razon Jr. at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Kung totoo na 65 porsiyento ng lingguhang intelihensiya ng kapulisan natin sa pagsara ng video karera, ibig sabihin niyan hindi nakayanan ng kapulisan natin na maghigpit ng sinturon lalo na ngayong Kapaskuhan.

Sa pagbukas ng video karera sa Maynila, nawala na ring parang bula ang pagsunog at paggiba nina Atienza, Aglipay at Razon ng umaabot sa 300 pirasong nakumpiskang makina noong mga nakaraang buwan. Makikita natin sa mga naglabasang retrato sa mga diyaryo na nakangiti pa sina Atienza, Aglipay at Razon sa paggiba ng mga makina at ano ang gustong ipakita nilang imahe sa taumbayan sa pagsulpot ng muli ng mga makina sa kalye sa ngayon? Goodbye na lang sa programa ni Aglipay na maibalik ang tiwala ng taumbayan sa kapulisan natin!

Kaya ko naman natunugan ang pagbukas ng video karera ay dahil sa pagkalat ng umaabot sa sampung makina ni Randy Sy dito mismo sa kapaligiran ng opisina namin sa Port Area, Manila.

Sa area naman ni chairman Victor Malig sa Sta. Mesa, ang mga makina ni Randy Sy ay matatagpuan sa bahay ni Alex Dolot sa Bgy. 426 Zone 43 sa 3479 Int. 12; Ruby Bio sa Bgy. 426 Zone 43 sa 3479 Int. 15, at Mila Nosis sa Bgy. 426 Zone 43 3479 Int. 30, lahat sa Paltok St. Ang locator ni Sy sa Sta. Mesa ay sina Eugene Malig at Lani Guanlao na kapwa kagawad ng barangay.

Sa totoo lang mga suki, ang napapahiya sa pagla- tag na muli ng makina ni Randy Sy ay walang iba kundi si Aglipay at maging si Int. Sec. Angelo Reyes. Lumalabas kasi na kayang-kaya sila ng pet ni Presidente Arroyo na si Bulaong! May karugtong!

Show comments