Sa pagsasamang ito, nairehistro at naisyu ang titulo ng lupang pag-aari ni Wacnang sa kanyang pangalan.
Nang maramdaman ni Wacnang na hindi na magtatagal ang kanyang buhay, gumawa siya ng isang dokumento na tinawag niyang huling habilin at testamento. Ayon sa testamento, ibinibigay niya sa lahat ng kanyang anak sa una at sa ikalawang asawa ang kanyang pag-aaring lupain. Sa katunayan, kumpirmasyon lamang ito ng matagal nang kasunduan kung saan pormal na niyang iginawad ang lupang inookupahan ng kanyang mga anak. Bukod dito, hinirang niya si Jose, ang pinaka-matanda niyang anak, na magpatupad ng paghahati ng kanyang pag-aari ayon sa kanyang kahilingan. Samantala, binasa rin ang huling habilin sa lahat na mga tagapagmana. At bilang patunay, nagsagawa sila ng isang kasulatan kung saan nakasaad ang kanilang pagsang-ayon at pagsunod sa kahilingan ni Wacnang. Sa paniniwalang naayos na ni Wacnang ang lahat, nalagutan na siya ng huling hininga.
Hindi man naihain at naaprubahan ang testamento ni Wacnang sa Korte, nanatili pa rin sa pamumusesyon ang kanyang mga anak sa naiwang pag-aari ng ama bilang pagsunod sa habilin nito sa kanila.
Subalit, nagbago ang lahat makalipas ang 23 taon. Nagsagawa sina Jose at dalawa nitong kapatid ng Extrajudicial Partition ng pag-aari ni Wacnang kung saan ang dalawa sa anak sa ikalawang asawa ay hindi naisama. Batay sa partisyong ito, isang bagong titulo ang naisyu kina Jose at sa dalawa nitong kapatid. Iginiit din nila na ang testamento ng kanilang ama ay walang bisa dahil hindi ito naaprubahan sa Korte. Tama ba sina Jose?
MALI. Hindi man maipapatupad ang testamento ni Wacnang dahil hindi ito naaprubahan sa Korte, epektibo pa rin ang dokumentong ito ayon sa Artikulo 1080 ng Kodigo Sibil. Ayon sa nasabing artikulo, maaaring hatiin ng isang tao habang siya ay nabubuhay ang kanyang ari-arian at ibigay ang mga ito sa kanyang mga tagapagmana. Hindi man ito isang donasyon o testamento, may bias pa rin ito base sa kagustuhan ng nagmamay-ari. Magkakaroon lamang ito ng limitasyon kapag siya ay may-utang at napinsala ang ibang tagapagmana (Mangoy vs. Court of Appeals 144 SCRA 33).