Pangalagaan ang kalikasan

MAPALAD tayong mga Pilipino sapagkat ang ating bansa ay nabiyayaan ng mayamang kapaligiran at maraming likas na yaman. Alam n’yo ba na ang bansa natin ay pang-apat sa buong mundo sa dami ng uri ng ibon at pang-lima sa dami ng uri ng mga mammals? Hindi lamang iyan, pang-lima tayo sa dami ng uri ng mga halaman at pang-walo naman tayo sa dami ng uri ng reptiles? Sadyang napakapalad natin at dapat ipagmalaki ang ganitong likas na biyaya sa atin.

Subalit ang nakalulungkot isipin ay patuloy ang ilan nating mga kababayan sa pag-abuso ng ating kapaligiran at mga likas yaman. Sa katunayan ay isa ang Pilipinas sa tinatawag na hottest ‘hot spots’ sa malaganap na pag-abuso sa ating kalikasan.

Noong 1990, naitalang may 212 ang tinatawag na threatened o endangered species o mga nanganganib na uri ng mga hayop na tuluyang maaaring mawala. Lalo pa itong dumami sa 284 noong 1998. Ito ang nakapangangambang kalagayan ng ating kapaligiran at maaari pa itong lumala kung patuloy sa pagsira ng ilan sa atin sa ating kapaligiran at pagkikibit-balikat ang marami sa atin.

Kami po sa DENR ay nananawagan na ang pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan ay tungkulin ng bawat isa. Ang pangangalaga sa ating kalikasan ay obligasyon hindi lamang para sa sarili nating kapakanan subalit lalo’t higit sa ating mga anak at sa mga darating pang henerasyon. Sa ating sama-samang pagkilos at pagtutulungan umaasa akong marami tayong magagawa para sa kalikasan at ating kapaligiran.

Show comments