Parking fees sa shopping centers alisin!

MARAMI na naman ang nagrereklamo hinggil sa pagsingil ng parking fees ng mga malls at mga shopping centers. Naisulat ko na ito noon pa. Dapat ay hindi na sinisingil ng parking fees ang mga customer na dumayo na nga sa shopping center upang mamili ay sisingilin pa sila sa pagparada ng kanilang mga sasakyan. Sinisingil nila ang mga taong pumupunta sa kanila upang tumangkilik sa mga tindahan nila. Isang kasakiman ito.

Marami ang nagreklamo. Subalit ang mga reklamo ay pumapasok lamang sa isang tenga at lumalabas sa kabila. Wala silang magawa kundi ang tanggapin na lamang na labag sa kanilang kalooban ang pinaiiral na pagsingil sa kanilang mga sasakyan tuwing pupunta sila sa mga shopping centers. Pumaparada ka pa lamang ay pinagkikitaan ka na kaagad. Puwede nang sabihing hold-up ito.

Bakit pa nila sisingilin ng parking fes ang namimili sa kanila? Kumikita naman sila sa mga customers ng kanilang establisimiyento. Kung sakali mang maniningil sila, huwag namang harang na katulad ng karaniwang sinisingil nila na P20 for the first 3 hours at P10 for every hour after that.

Aksiyunan sana ito ng tagapamahala ng mga shopping centers. Dinggin ang matagal nang reklamo ng kanilang mga customers. Matauhan na sana sila sa madaling panahon.

Show comments