Inaakusahan ng ilang mambabatas ang Pangulo na "nananakot" lang para mapilitan ang taumbayan na lunukin ang mga ipinapanukalang bagong buwis ng gobyerno.
Pati si Sen. Joker Arroyo na kilalang supporter ng Pangulo ay nagsabing malapit nang magdeklara ng "economic martial law" ang Pangulo. Sa ilalim ng state of fiscal crisis, magkakaroon ang Pangulo ng espesyal na poder para magpatupad ng mga bagong buwis para mapunan ang kakulangan ng bansa sa pananalapi. Maaari siyang magpataw ng karagdagang buwis sa kabila ng matinding pagtutol ng mga apektadong mamamayan.
Sakripisyo ng taumbayan ang panawagan ng Pangulo. Maghanda sa kaakibat na sakit. Kung pakikinggan, seryoso ang pananalita ng Pangulo. Ika nga ng mga Kano, "do or die." Tila baga wala nang pag-asa kung hindi tayo magsasakripisyo sa mga pangkagipitang hakbang na ipatutupad ng pamahalaan. Aray ko!
Ang panlulupaypay ng stock market at pagdausdos ng piso ay indikasyon na hindi handa ang tao sa panawagan ng Pangulo na magsakripisyo. Imbes na tumugon ang mga negosyante sa panawagang itoy nag-urong pa ng kanilang investment.
Panukala ng ilang mambabatas na bawasan ang Internal Revenue Alotment (IRA) na tinatanggap ng mga local na pamahalaan. Ito ang parte ng mga lokal na pamahalaan mula sa mga nasisingil na buwis ng pambansang pamahalaan. Hindi man ako opisyal ng lokal na pamahalaan ay hindi ko makita ang lohika nito.
Ang diwa ng pamamahala ay ipagkaloob sa taumbayan ang mga basic services: Pangkalusugan, pabahay, trabaho, transportasyon at iba pa. Kung aalisin o babawasan ang IRA, eh di hindi rin naibigay sa tao ang kinakailangang serbisyo? Ang problema ay utang nang utang ang pamahalaan habang pati interes ng mga dati nating pagkakautang ay halos hindi natin mabayaran. Resulta, Trilyong piso na ang utang natin sa loob at labas ng bansa.
Dapat ang mga Kongresista ang manguna. Isuko ang malaking bahagi ng tinatanggap na pork barrel para maipantakip sa lumolobong deficit. Sa panig ng administrasyon, maging seryoso ito sa pagsugpo sa corruption. Maliit man o malaking uri ng corruption, parusahan ang mga gumagawa nito, opisyal man o karaniwang empleyado. Iyan lang ang nakikita nating solusyon sa lumalalang problema ng bansa sa pananalapi. Salat sa pera ang gobyerno dahil maraming magnanakaw.