Walang ibang dapat manguna sa pagtitipid kundi ang mga pinuno ng bansang ito. Kung hindi nila maipakikita ang pagtitipid na gusto nilang mangyari, huwag na lang mag-enercon.
"Let us make energy conservation a way of life," sabi ni President Gloria Macapagal-Arroyo nang ilunsad ang "Energy Conservation" sa isang meeting ng Legislative-Executive Development Advisory Council. Ang meeting ay dinaluhan ng mga Cabinet officials at leaders ng Congress. Maging bahagi na raw ng buhay ang pagtitipid sa enerhiya. Magandang payo o paalala ito. Pero bakit tuwing magkakaroon ng krisis sa enerhiya saka lamang ito naiisip? Kung kailan nandiyan na ang pagdarahop saka lamang magkakaroon ng mga kara-karakang paglulunsad ng ibat ibang kampanya. Bigla-biglang maglilitawan ang mga magagandang ideya na dapat ay gawin ang ganitong paraan. Dapat ay ganito upang makatipid at iba pang strategies na gaya nga nang inilunsad ng pamahalaan noong Martes. Bukod sa maagang pagsasara ng malls, balak ding limitahan ang pagbili ng mga sasakyan para sa mga opisyal ng gobyerno, maglalagay daw ng mga energy saving tips sa mga publikong lugar para mabasa, magdedeploy daw ng mga energy audit teams at iba pa. Mabuti ang mga ito kung maipatutupad lalo pa ang paggamit ng mga opisyal ng gobyerno sa mga sasakyang malalakas lumaklak ng gasoline o krudo.
Pataas nang pataas ang petroleum products at walang magawa ang pamahalaan kaya ang pagtitipid na nga lang ang kailangan pero hindi sana sa simula lamang ito. Hindi sana maging ningas-kugon katulad ng mga nakaraang plano.