Pero meron pang dapat tutukan ang DSWD at ito ay ang mga batang ginagamit para magtulak ng illegal drug particular ang shabu. Talamak na ang paggamit sa mga bata. Nakagigimbal malaman na ang mga bata ang ginagamit ng sindikato para mapalawak ang kanilang illegal drug trade. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng International Labor Organization-International Program on the Elimination of Child Labor (ILO-IPEC), ang negosyong droga ay isa nang family business kung saan ang ama, ina, tiyuhin at maski ang lolo at lola ay sangkot na sa pagtutulak ng droga. Ang matindi, ang mga nabanggit ang humihikayat sa kanilang mga anak para magtulak na rin ng shabu. Karaniwang ang illegal drug trade ay nangyayari sa mga squatters area. Maaagang naisisingkaw ang mga bata (ma-lalaki o ma-babae man) sa pagtutulak ng shabu. Ang kanilang murang isipan ay maagang nakukulapulan ng kasamaan.
Sinabi ni Emma Porio, principal researcher ng ILO-IPEC na hinihikayat ng mga magulang,, tiyuhin at tiyahin ang mga bata para magtulak. Tinatayang nasa 10 hanggang 20 porsiyento ng mga bata sa mahihirap na lugar sa Pasay City at Quezon City ang sangkot sa pagtutulak ng droga. Parami pa nang parami ang mga batang hinihikayat sa drug trade.
Lubha nang malala ang problema sa droga sa bansang ito. Sa kabila na sinasabi ng pamahalaan na matindi ang kanilang kampanya laban sa mga drug traffickers, para namang walang nakikitang pagbabago at patuloy ang pagdagsa ng shabu galing China. Sa kabila na sunud-sunod ang pagsalakay sa mga shabu laboratories sa Cavite, Valenzuela, Quezon City, San Juan at Maynila, hindi maubos at dumami pa. Wala nang takot ang mga Chinese sa pagluluto ng shabu. Paanoy protektado ng mga "bugok" na pulis.
Hindi natatakot ang mga drug trafficker sapagkat ang magiging parusa lang naman ay pagkabilanggo. Sa kabila na may mga hinatulan ng kamatayan, hindi naman maisakatuparan. Marami ang kumokontra. Dahil dito, asahan ang paglubha pa ng problema sa droga. Panawagan sa DSWD: Isalba ang mga batang nagtutulak ng droga!