Bumago na tayo sa local fuels

HINDI na bababa ang presyo ng langis sa loob ng 10 taon. Tataas pa nga dahil sa magkakatambal na sitwasyon: Mabilis umuunlad ang Tsina at India, dumadami ang industriya’t kotse, hinihigop ang petrolyo kasabay ang recovery sa US, Japan at Korea. Sagad na sa produksiyon ang OPEC members, maliban sa Saudi Arabia, pero hindi ito makapagtaas dahil sa terorismo. Abala sa civil war ang oil producers Iraq, Venezuela at Nigeria. Uso sa buong mundo ang makunsumong SUVs. Lahat ng bansang may pambili ay nag-iimbak ng milyun-milyong bariles, kaya natutulog ang supply. May bottlenecks pa sa refineries sa Asya at Amerika.

Wala pa sa kalahating porsiyento ng langis sa mundo ang binibili ng RP, di tulad ng US na 25%. Wala tayo sa posisyon humingi sa OPEC ng garantisadong supply. Tataas ang presyo ng pagkain, transportation at kuryente. Ang pag-asa lang natin ay nasa pagtitipid sa imported fuel at agarang paglipat sa local alternatives.

Dapat nang mag-shift ang bus at trucking operators sa compressed natural gas. P9.30 lang ito kada litro, kumpara sa diesel na P19.85. Kayang i-supply ng Malampaya wells ang natural gas nang mahigit 25 taon.

Ang power plants ay kaya ring patakbuhin ng natural gas, tulad ng sa Batangas. ‘Yung mas maliliit, kayang patakbuhin ng windmills kung nakaharap ang purok sa malakas na hangin buong taon, tulad sa Ilocos.

Ang mga jeepney, puwedeng mag-shift sa coco-biodiesel. Mahal pa ito ngayon; P65 kada litro. Pero kung maraming gagamit, bababa ang presyo. Gan’un din sa alcogas mula sa ethanol ng tubo at mais, na fuel ng 1% ng mga sasakyang-gobyerno sa utos ng Malacañang. Kung iutos na lahat ng official vehicles ay alcogas na, bababa rin ang presyo. Pati may-ari ng kotse, lilipat sa alcogas imbis na imported unleaded gasoline.

Pamura na rin ang solar panels, dahil sa Pilipinas nagtayo ng pabrika ang dalawang pinaka-malalaking manufacturer. Ang mga bahay, lighthouses at opisina, maaring sa solar energy kumuha ng pang-ilaw at pang-init ng tubig.

Show comments