Ako ay isang OFW at narito sa Pilipinas upang magpakasal. Nabasa ko sa mga pahayagan ang programa ng Pag-IBIG para sa mga katulad kong OFW at gusto ko sanang maging miyembro upang may mga benepisyo naman akong matanggap gaya ng pabahay.
Paano ba ako magiging miyembro? Gusto ko sana itong maayos bago ako bumalik sa abroad sa susunod na buwan. Saan ako puwedeng magtanong o pupunta para sa karagdagang katanungan?
Hanggang dito na lamang po at maraming salamat sa panahon at puwang na ibinigay ninyo sa aking sulat. Susubaybayan ko ang iyong kasagutan sa Pilipino Star NGAYON (PSN). Mabuhay po kayo at ang PSN. Al ng Cavite
Maraming salamat sa iyong sulat. Mabuti ang yong iniisip na maging miyembro ng Pag-IBIG Overseas Program (POP) upang sa gayon ay mabigyan ka ng mga benepisyo gaya ng pagkakataon na makapagpundar ng sariling bahay at lupa. Maaari kang maging miyembro ng POP, simple lamang ang mga kailangan. Magtungo ka lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng Pag-IBIG at magbayad ng paunang buwanang kontribusyon.
Kapag ikaw ay aktibong miyembro na may 12 buwanang kontribusyon ay maaari ka ng mag-apply para sa housing loan. Ang buwanang kontribusyon ay maaaring US$ 20.00, US40.00 at US$50.00 Kapag mas malaki ang iyong kontribusyon ay mas malaking halaga rin ang maaari mong mautang.
Para sa karagdagang impormasyon maaaring tumawag sa 8114146/8114272 o magtungo sa POP International Operations Group sa Rm 608 Atrium Bldg., Makati Avenue, Makati City. Sec. Mike Defensor