Maski ang United Nations Children Emergency Fund (Unicef) ay nabahala rin sa klase ng batas na ipinaiiral sa Pilipinas para labanan ang mga child pornographers. Wala raw tapang at lakas para magparusa sa mga madadakip na pornographers. Dahilan para lalo lamang dumami ang mga pornographers. Ayon sa Unicef, ngayoy lalo pang dumami ang mga child pornographers sa Pilipinas. Nakababahala raw ang ganito.
Lalo pang naalarma ang Unicef nang may 70 bata na karamihan ay may edad lima hanggang 12 ang naireport na na-rescue sa kamay ng mga sindikatong sangkot sa child pornography. Ang ikinatatakot ng Unicef ay baka marami pang mga bata ang nananatiling nasa kamay ng sindikato at hanggang ngayon ay hindi pa naililigtas. Ang pagdami ng mga batang ginagamit sa pornography ay nakaalarma sa Unicef sapagkat sunud-sunod ang expose sa media. Ayon sa Unicef ang child pornography ay isang malaking paglabag sa karapatan ng mga bata. Dapat matigil ang masamang gawain ng mga child pornographers. Dahil sa nangyayaring ito, isang pag-aaral sa child pornography ang isinasagawa ng Unicef sa Pilipinas.
Malambot na batas. Iyan ang nakikitang depekto kung kaya walang takot ang mga pornographers dito sa bansa. Ang kahirapan ay itinuturo rin namang dahilan at ganoon din ang pagkalat ng mga malalaswang panoorin at babasahin. Ilan pang dahilan ay dahil sa advanced communication technology.
Para sa amin, kung magkakaroon ng kamay na bakal ang pamahalaan laban sa mga pornographers, tiyak na matatakot sila. Huwag silang tantanan hanggat hindi nadudurog. Dapat din naman makipagtulungan ang mga magulang para mailigtas ang kanilang mga anak sa pornographers.