Nagkatotoo nga ang pangamba. Deretsuhang nagpahayag si US State Dept. Secretary Colin Powell ng pagkadismayado sa ginawang pagpapauwi ni GMA sa tropang Pinoy. Sumunod namang bumira sa Pilipinas si Australian Foreign Minister Alexander Downer.
Marami ang nangangamba na maaapektuhan ang mga Pinoy na gustong magtrabaho sa mga bansa na malaki ang impluwensiya ng Amerika katulad ng Middle East, partikular ang Iraq. May 6,000 na Pinoy ang kailangan sa Iraq. Kung matutuloy na makapagtrabaho ang 6,000 Pinoy sa Iraq, makapagpapadala ang mga ito sa kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas ng humigit-kumulang sa $102.48 milyon.
Sinabi ni GMA na kasama pa rin ang Pilipinas sa Coalition of the Willing na pinangungunahan ng US sa pagpuksa sa terorismo. Handa pa rin ang pamahalaan na makipagtulungan at makiisa sa US kahit na ang pinairal niya ay ang "Filipino First" policy. Umaasa si GMA na patuloy pa ring magiging matatag ang pagsasamahan ng US at ng Pilipinas.