Matatandaang nilusob ng CIDG Anti-Organized Crime kasama ang grupo ng BITAG sa telebisyon sa bisa ng search warrant ang gusali kung saan pinagkukutahan ng mahigit isang libong kababaihang patungong Japan.
Naging maingat ang BITAG at ang IBC-13, ang T.V Network ng BITAG, matapos kaming makatanggap ng utos mula sa Regional Trial Court sa Makati na hindi namin puwedeng banggitin ang pangalan ng nagmamay-ari, maging ang pangalan ng kanyang promotion habang itoy nasa Department of Justice na.
Subalit sa mga naglalabasang impormasyong nasasagap ng aming mga undercover, simpleng "business rivalry" lang. Base sa aming "intelligence report" na nasasagap, ang may pakana daw nito ay yung katunggaling nangunguna sa industriya ng promotions sa buong bansa.
Kumbaga yung number 1 sa industriyang ito, "nilaslas yung leeg" ng number two na nakapiit ngayon. Itoy upang mapunta sa kanya ang negosyo ng kanyang katunggaling hindi puwedeng magpiyansa dahil sa batas ng Republic Act 9208 o Anti- Human Trafficking.
At yung mga bastardong putok sa buhong kasapi sa industriyang ito (promotions), tikom ang mga bibig. Mukhang tingin nila sa nangyaring raid ay palabas lang. Kaya hindi sila nag-aalala. Dahil kung tutuusin ay mas makabubuti pa nga daw nang mabawasan ang kompetisyon.
Subalit sa BITAG, seryoso kaming subukan kung may pangil nga ang Republic Act 9208. Alam namin na karamihan sa ating mga hukom at mga alagad ng batas, HINDI alam ang bisa ng batas na ito.
Kasalukuyang minamanmanan ng BITAG ang mga tarantadong major players na akalay kasama kami sa "sarsuwela". Hindi kami mga payaso sa BITAG.
Alam namin kung kailan at kanino ikakasa ang aming patibong. Tiyak may susunod na mahuhulog sa aming BITAG! Itaga niyo sa bato!