Pero hindi pa tapos ang lahat. Nagsisimula pa lamang. Hindi pa napapalaya si Angelo pero malaki ang pag-asa. Maaaring sa araw na ito o bukas o sa mga darating na araw ay makalalaya na siya. Sinisiguro ng mga militanteng Iraqi na wala nang matitirang Philippine troops doon bago pakawalan si Angelo. Ngayong araw na ito ang deadline ng mga militanteng dumukot kay Angelo para alisin ang tropang Pinoy. Ang pag-aalis sa tropa ay nagdulot naman ng pagkadismaya sa US at sa iba pang bansa. Maaari raw maapektuhan ang aid na ibinibigay ng US. Pero hindi na napigil si President Arroyo. Para sa amin tama lang ang desisyon. Hindi maaaring isakripisyo ang buhay ng isang Pinoy lalo pa nga at isang OFW na nakatutulong naman para sa kaunlaran ng bansa.
Maraming nangako ng tulong kay Angelo. Kabilang diyan ang bahay at lupa, trabaho at scholarships para sa kanyang mga anak. Magandang malaman na marami ang tutulong para muling makabangon si Angelo. Bukod diyan marami pa rin ang patuloy na nagdarasal na makabalik na nga siya. Ang Philippine Overseas Employment Administration at Overseas Workers Welfare Administration ang magkatulong na sumusubaybay sa pamilya ni De la Cruz. Sila ang nagbibigay ng assistance. Pati ang Department of Social Welfare and Development ay nagbigay na rin ng tulong sa pamilya.
Nararapat lamang na ganyan ang gawin ng POEA at OWWA sapagkat sila ang may tungkulin sa mga OFWs. Sana ngay magkaroon ng katuparan ang mga ipinangakong tulong. Hindi sana maging katulad ng nangyaring pangako sa pamilya ni Flor Contemplacion, ang domestic helper na binitay sa Singapore na pawang napako ang mga pangako. Maging kakaiba sana kay Angelo sa pagkakataong ito. Maipakita sana ang kaseryosohan at hindi kung kailan lamang mainit ang isyu saka lumalabas ang pagdamay kuno na sa katotohanay wala naman. Pawang pagpapasikat at pagkukunwari lamang.