May secret deal sina GMA at Erap ?

ILILIPAT na si Erap sa kanyang resthouse mula sa pagkakabilanggo sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal. Ang sarap namang bilanggo nito. Sa tawag pa lamang ng bago niyang bilangguan na resthouse, nagpapahiwatig na kaagad na hindi na siya naroroon bilang bilanggo kundi nagpapahinga lamang.

Marami ang nagulat nang lumabas ang balita tungkol sa resthouse arrest ni Erap. Aalisin na siya sa kanyang detention quarters sa Camp Capinpin. Ang katanungan ng marami ay ano ba ang nangyari at biglang pumayag ang Korte samantalang noon pa man ay matigas na ang paninindigan ng Korte na tanggihan ang kahilingan ng house arrest ng mga abogado ni Erap? Bakit nga ba?

Sari-saring interpretasyon ang lumalabas ngayon tungkol sa pagbaligtad ng Sandiganbayan. Subalit ang pinakamatinding usap-usapan ay ang tungkol sa diumanong secret deal nina GMA at Erap. Sinasabi na kasama raw dito ang pagkakapanalo ni Jinggoy Estrada bilang senador at ang promotion sa Supreme Court ni Sandiganbayan Presiding Justice Minita Chico Nazario na dumidinig ng mga kaso ni Erap.

Dismayado ang mga special prosecutors. Masama ang loob nila na para daw silang trinaydor. Masakit nga naman ang nangyayaring ito. Akala ng marami ay ipauubaya na ang mga kaso ni Erap sa tunay na ikot ng hustisya.

Sabi nga nila, ‘‘let justice takes it own course.’’ Kung ayon sa mga tunay na ebidensiya na walang kasalanan si Erap, eh di palayain siya. Parusahan naman siya kung makitaang talagang may kasalanan. Madame President, walang taguan. Hindi ba sinabi mo na magiging transparent ang administration mo? Patunayan mo ang pangako mo.

Show comments