Gen.Bulaong durugin mo ang dollar switching sa Faura at Malate

DAPAT imbestigahan ng pulisya at ni Department of Tourism (DOT) Sec. Roberto Pagdanganan ang malaganap na dollar switching diyan sa Padre Faura at Malate sa Maynila. Kasi nga, hindi porke mga turista o foreigners ang karamihang binibiktima ng mga halang ang kaluluwa na operators ng mga money changers na ito ay magsasawalangkibo na lang ang gobyerno ni Presidente Arroyo. Kung paniniwalaan ang mga pulisya ng WPD na nakausap ko, dito pala sa mga nasa likod ng dollar switching kumukuha ang matataas na opisyales ng pulisya natin, ang Palasyo at pati na ang opisina ni Manila Mayor Lito Atienza ng dolyar kapag may trip sila sa abroad. Aba, dapat talagang kumilos ang kaibigan kong si Chief Supt. Pedro Bulaong, ang hepe ng WPD, at buwagin itong dollar switching syndicate dahil ang liderato niya ang naaapektuhan dito, di ba mga suki? He-he-he! Bilang na ang maliligayang araw n’yo mga talipandas na dollar switching syndicate diyan sa Faura at Malate.

Ayon sa nakausap ko sa WPD, ni-raid ng taga-Task Force Galugad ang kuta ng dollar switching syndicate sa Faura kamakailan. Sinalubong ng mga raiders ang isang Muslim na nagpaalam na tatawag muna siya sa kanyang ‘‘padrino.’’ Eh ’yong padrino pala nila ay sina Insp. Angel at Sr. Insp. Rene na kilala namang malapit kay Gen. Bulaong. Ano ba ’yan? Sinabihan ni Sr. Insp. Rene itong mga taga-Galugad na umalis na dahil ang Muslim na nakaharap nila ay siyang nagbibigay ng dolyar sa matataas na opisyales ng pulisya at gobyerno at maging kay Atienza tuwing may trip sila sa abroad. Sino pa ba ang hindi manginig dito kina Insp. Angel at Sr. Insp. Rene? Hindi na natuloy ang raid, pero nag-abot naman ang Muslim ng panggastos sa mga raiders.

Kaya ko tinatawagan ang kaibigan kong si Bulaong na buwagin na ang raket na ito ng mga Muslim dahil nabanggit ang pangalan niya dito. Kung hindi siya kikilos, eh, magmumukha siyang protector ng sindikato, di ba mga suki?

Sa parte naman ni Pagdanganan, aba may karapatan din siyang habulin ang sindikato para mapangalagaan niya ang interes ng mga turista at foreigners. Sino pa ba ang pupunta sa ating bansa kung sira na ang papel natin sa abroad dahil sa operation ng dollar switching syndicate na ito? Sa ngayong taghirap o mababa ang bilang ng tourists arrivals natin hindi tayo dapat nagpalamya-lamya laban sa ganitong uri ng sindikato, di ba mga suki?

Para sa sa kaalaman ng gobyerno ni Pres. Arroyo, Atienza at Pagdanganan, ganito ang modus-ope-randi ng sindikato. Kapag may dumapong turista o foreigner sa kanilang mga shop, ang mga ipinapalit nilang mga tunay na dolyar ay pinapalitan ng mga peke. Siyempre pa, kapag nalingat ang mga turista o foreigner sa pamamagitan ng mabibilis na kamay, eh naging peke na ang dolyar nila.

Kapag maraming pirasong dolyar ang papalitan, medyo malaking bahagi nito ang namamadyik at presto… nagiging peke. Hindi nila masyadong pinapansin ang mga Pinoy, maliban na lang sa mga mukhang tanga, dahil alam nila may padrino ang mga ito at babalikan sila. May karugtong!

Show comments