Ayon kay Major Lorenzo Holanday, Assistant Director for Intelligence-Traffic Management Group (ADI-TMG), malaking tulong ang pagkakahuli ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) at ng BITAG kay Macusi ganoon din sa iba pang kasamahan nito sa pagbaba ng bilang ng kaso ng carnapping sa Metro Manila.
Sa pagkakahuli ng NBI-NCR at ng BITAG kay Macusi, umabot sa 44 na sasakyan ang narekober mula sa ilang matataas na opisyal ng militar at pulisya.
Ilan sa mga sasakyang nabawi ay isinangla o ibinenta ni Macusi at iba pang kasamahan nito gamit ang pekeng OR/CR. Isa sa mga nabiktima ng ganitong modus si Lt. Edward Prades kung saan direkta niyang idinawit ang kanyang mistah na si Col. Rolando Macusi. Naibenta ang Isuzu Crosswind ni Lt. Prades nang lingid sa kanyang kaalaman.
Malaking katanungan pa rin sa BITAG ang ipinalabas noong balita nang nabuwag na Task Force Jericho ng DILG tungkol sa massive manhunt laban kay Macusi. Ano na ang nangyari sa kasong dapat na naisampa kay Macusi at sa ilan pang kasabwat nito? Bakit hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang ganitong uri ng modus?
Panawagan ng BITAG sa iba pang biktima ng ganitong uring panloloko, agad makipag-ugnayan sa BITAG dahil hindi kami tumitigil sa pagtutok sa ganitong uri ng modus.