Isang araw ay muling pinasukat ni Donya Trining ang kanyang lote at nadiskubre niyang nasaklaw ni Mr. Andres ang 3,500 square meters na bahagi nito. Kaya nagsampa ng kasong ejectment laban kay Mr. Andres.
Samantala, nang magplano si Donya Trining na palawakin ang kanyang negosyo, natuklasan niyang 10 taon na palang hinahawakan ni Mr. Andres ang 16 ektaryang lupa na may mehorang 290 cottages, isang tangke ng tubig at mga puno. Hindi ito pag-aari ni Mr. Andres kundi ng isa pang negosyante. Isa itong foreshore land kung saan hinawakan ito ni Mr. Andres batay sa permit na inisyu ng Bureau of Lands para sa operasyon ng isang beach resort.
Sapilitang kinuha ni Doña Trining ang nasabing 16 ektaryang lote mula kay Mr. Andres. Ngunit sa pagkakataong ito ay nagsampa si Mr. Andres ng kasong forcible entry laban sa kanya. Samantala, iginiit ni Doña Trining na walang karapatan si Mr. Andres na gawing beach resort ang 16 ektaryang lupain dahil hindi na ito isang foreshore kundi isa nang pribadong pag-aari. Tama ba si Doña Trining?
MALI. Ang isyung iginiit ni Donya Trining na walang karapatan si Mr. Andres na gawing beach resort ang nasabing 16 ektaryang lupain ay walang kaugnayan sa isyu ng kasong isinampa ni Mr. Andres laban sa kanya. Ang layunin ng kasong forcible entry at illegal detainer ay upang tukuyin na ang mapayapa at patuloy na pamumusesyon sa isang lupa ay inagaw nang sapilitan. Hindi isinasaalang-alang ang aktwal na kundisyon ng titulo. Tanging sa legal na pamamaraan lamang ito mareresolba at hindi sa marahas na pang-aagaw.
Bukod pa rito, ang nasabing 16 ektaryang lupain ay bahagi ng pag-aari ng gobyerno kung saan patuloy at mapayapang hinahawakan ito ni Mr. Andres batay sa permit na inisyu sa kanya.Tama ang naging hakbang ni Mr. Andres na magsampa ng kasong forcible entry laban kay Doña Trining (Villaluz vs. Court of Appeals, 210 SCRA 540).