Parati na lamang may akusasyon ng dayaan. Kasabihan na nga dito sa ating bayan na walang kandidatong tumatanggap ng natalo sila, nadadaya lamang daw sila. Di nga ba nagiging kalakaran na dito sa atin tuwing may halalan ang dagdag-bawas na naranasan na ng maraming kandidato?
Dahil sa napakasamang karanasan ng bansa sa katatapos na election na 43 araw bago natapos ang canvassing, marami na ngayon ang nagpapahayag na dapat nang kaagad na baguhin ang sistema ng eleksyon. Ganoon din ang pagbabago sa mga mangangasiwa sa election at kung sino ang gaganap sa Kongreso bilang National Board of Canvassers.
Dapat noon pa binago ang electoral process. Masyado nang palpak ang sistema. Isa ito sa nagpapabagsak sa bansa. Ito dapat ang maging prayoridad ni Mrs. Arroyo at huwag na niyang payagan pang manaig ang kagustuhan ng mga taong nakikinabang na manatili ang dating gawi. Sobra na ang pulitika. Isama na rin ni Arroyo ang pagbaklas ng anumang bagay na humahatak sa mamamayan upang magumon sa pulitika na para bang ito na lamang ang tanging inaasahan ng mamamayan.