EDITORYAL - Hihintayin pa bang may mapupugutang Pinoy ?

LUMALALA ang sitwasyon sa Iraq. Padugo nang padugo ang mga nangyayaring karahasan dahil sa pagsalakay ng mga suicide bombers. Halos araw-raw ay may nagaganap na pambobomba at may namamatay. Apat na Pinoy na ang namamatay doon dahil sa pagsalakay ng mga suicide bombers. At ngayon ay hindi lamang ang mga suicide bombers ang naghahasik ng lagim kundi pati na rin ang mga Islamic militants na miyembro ng Al-Qaeda terrorist network. Habang sumusugod ang mga suicide bombers sa mga kampo ng Kano at nagtatanim ng bomba sa mga sasakyan, patuloy naman ang pangingidnap ng mga miyembro ng Al-Qaeda sa mga foreign nationals.

Isang Koreanong translator ang kanilang kinidnap noong nakaraang linggo at makaraan ang ilang araw ay pinugutan ng ulo. Walang nagawa ang pagmamakaawa ng mga magulang, kapatid at kababayan ni Kim Sun-Ill. Pinugutan din ito ng ulo. Ipinakita pa sa internet kung paano pinugutan. Ilang buwan na ang nakararaan, isang Amerikanong bihag din ang pinugutan ng Islamic miltants.

Sa pahayag ng mga terorista, dinukot nila at pinugutan ng ulo ang Koreano sapagkat ang gobyerno ng Korea umano ay kaalyado ng US. Kinondena nila ang walang tigil na pagpapadala ng mga sundalong Korean sa Iraq. Pero kahit may napugutan ng Korean national, hindi nagpakita ng pagsuko ang Korea at bagkus ay lalaban pa para tuluyang mawasak ang mga terorista sa Iraq. Handa silang mamatay para mawakasan ang kasamaan ng mga terorista.

Galit ang mga militants sa mga allies ng US. At ang Pilipinas ay isa sa mga kaalyadong bansa ng US. Kung ganoon, galit din ang mga militants sa Pilipinas na hayagan ang pagsuporta sa paglaban sa terorismo. Hindi malayo na ang nangyari sa Korean ay mangyari rin sa mga Pinoy doon. Kung hindi pa magkakaroon ng solidong pasya ang pamahalaan na alisin ang may 4,000 OFWs doon, maaaring may ma-hostage at mapugutan ding Pinoy. Nagpapatumpik-tumpik ang gobyerno at hindi makagawa ng sariling desisyon para sa mga manggagawa. Walang kasing lupit ang mga Islamic militants at hindi na sila kumikilala ng kanilang kapwa. Ang mahalaga sa kanila ay maisakatuparan ang mithiin.

Magkaroon na ng plano ang gobyerno para sa mga Pinoy workers at alisin sila roon para madawit sila sa mga ginagawang karahasan doon. Hiindi na dapat pang hintayin na kung kailan may napugutan na saka lamang kikilos. Mas masakit kung uuwi ang mga Pinoy na pawang nakasilid sa kahon. Mas masakit para sa kanilang mga mahal sa buhay kapag sila ang napugutan.

Show comments