Pero hindi pa rito natatapos ang trabaho ng kongreso. Preliminary pa lamang ang canvassing o bilangan ang ginawa ng joint committee. Ihahain pa ito sa joint session ng Kongreso kung saan dadaan na naman ito sa isa pang proseso. At dito nga nila maaaring himayin at magtagalan na naman ng mga debate at bangayan. Ito ang kinakatakutan ng marami na baka dumating ang June 30 na wala pang madeklarang presidente at bise presidente.
Marami ang umaasa na tototohanin ng mga taga-oposisyon na ang sinabi na tatanggapin nila ang magiging resulta ng bilangan at hindi nila papanigan ang anumang magaganap na pagpoprotesta sa lansangan na magiging dahilan ng patuloy na paghahati-hati ng mamamayan. Inaasahan din ng taumbayan na ang mga nagwagi ay magiging mapagkumbaba.
Tama na ang pulitikahan. Sobra-sobra na ang kaguluhang kinakaharap ng bansa. Hindi na makahinga ang taumbayan sa mga problema. Sana ay magkaisa na ang lahat.