Kabanal-banalang Puso ni Jesus

ANG puso ay simbolo ng pag-ibig. Mula sa kaibuturan ng kanyang pagkatao nagmamahal ang isang tao. Ang puso ni Jesus ay nagsasabi ng kanyang dakilang pag-ibig para sa atin. Naging tao Siya, namatay at nabuhay muli para sa atin.

Sa Ebanghelyo sa araw na ito, kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Jesus, ibinigay sa atin ang isang talinghaga tungkol sa awa at habag ng Diyos (Lk. 15: 3-7).

Sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito:

"Kung sinuman sa inyo ay may 100 tupa, at mawala ang isa, ano ang gagawin n’yo? Iiwan ang 99 sa ilang at hahanapin ang nawawala hanggang sa matagpuan, hindi ba? Kapag nasumpungan, masaya niya itong papasanin. Pagdating ng bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, "Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko ang aking tupang nawawala!" Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi’t tumatalikod sa kanyang kasalanan kaysa 99 na matuwid na hindi nangangailangang magsisisi.’"


Isang tupa ang nawala. Iniwan ng pastol ang 99 na tupa sa isang ligtas na lugar upang hanapin ang isang nawawalang tupa. Nang matagpuan niya ang nawawalang tupa, pinasan niya ito. Pagdating niya sa kanyang tirahan, inanyayahan niya ang kanyang mga kapitbahay at kaibigan upang magdiwang.

Nagtapos ang talinghaga sa pamamagitan nang pagsabi na kung sila’y natutuwa sa pagkatagpo sa nawawalang tupa, lalong mas higit ang kagalakan sa langit tungkol sa pagsisisi ng isang makasalanan.

Parating hinahanap ni Jesus ang mga makasalanan. Naghihintay siya upang ibigay sa kanila ang kapatawaran. Naghihintay siyang mayakap ang isang makasalanang nagsisisi.

Show comments