Ayon sa mga NBI agents, pinigilan ang grupo ng mga imbestigador ng mga tauhan ng MERALCO na lapitan ang sumabog na transformer. Kailangan daw ang "court order" bago sila payagang siyasatin ito. That is the peak of arrogance on the part of MERALCO to say the least. Porke ba itoy isang monopolya sa pamamahagi ng elektrisidad ay exempted ito sa due process?
May nauna nang imbestigasyon ang mga arson investigators ng Maynila. Napatunayang inferior at depektibo ang inilagay na transformer. Seryoso naman ang pamunuan ng City State Hotel sa Quiapo na kasuhan ng P150-milyong danyos ang MERALCO kaugnay nito. Dapat lang na managot ang MERALCO kung sadyang may kapabayaan. Hindi lang ari-arian ang napeperhuwisyo sa kapalpakan nito kundi may mga nadadawit pang buhay katulad nang sumabog ang isang transformer sa Caloocan City na ikinamatay ng ilang batang estudyante nung isang taon.
Ang NBI mismo ay may natanggap na report na ang sumabog na transformer ay nauna nang ibinenta pero tinanggihan ng Light Railway Transit Authority dahil hindi nga sumusunod sa espesipikasyon. At alam nyo ba na pati yung mga nagsisimba sa Quiapo Church ay nasindak sa lakas ng pagsabog at muntik nang magkaroon ng stampede? Akala siguroy gawa ng terorista. Pero kung ganyan ang inaasal ng MERALCO na ayaw kumilala sa pananagutan, daig pa marahil nito ang teroristang kampon ni Osama bin Laden.
Isyu ngayon ito na sinasakyan pati na ng ibat ibang grupo na kumokontra sa kontrobersyal na Purchased Power Adjustment (PPA). Mantakin mo nga naman na sa bilyun-bil-yong kinikita ng MERALCO sa PPA na mula sa naghihikahos na lukbutan ni Juan dela Cruz ay hindi pa maisaayos ang mga pasilidad nito?