Tugon ng NFA at ni Administrator Yap

Matapos mailathala sa aking kolum ‘nung Lunes ang tungkol sa patuloy na sabwatan sa "rice diversion" sa loob ng mga National Food Authority (NFA) warehouses ng CAMANAVA, Manila at South District, isang kasagutang liham mula sa tanggapan ni Dir. Rex C. Estoperez ang natanggap ng BITAG. Aming ilalathala walang labis, walang kulang.

G. Tulfo,


Kaugnay ito sa inyong kolum "Bahala si Tulfo" na napalathala sa
Pilipino Star Ngayon, petsa Mayo 24, 2004 tungkol sa umano ay hinihinging patong na P30 bawat kaban ng manager ng South District Office ng NFA sa "newly arrived rice" mula sa Vietnam. Inyo ring binanggit na pinahihintulutang ma-monopolisa ng dalawang retailer ang pagmamay-ari ng isang kamada ng bigas. Habang ini-imbestigahan ang mga bagay na nalathala sa inyong kolum, nais naming ipaalam na naghain na ng kanyang bolutaryong pagpapalipat ng assignment kay Administrator Arthur C. Yap si manager Roberto Musngi. Kasalukuyan na rin siyang on-leave para maiwasan na rin ang anumang espekulasyon o maaring pag-impluwensiya sa resulta ng imbestigasyon sa nasabing isyu.

Para lumitaw ang katotohanan sa lalong madaling panahon, inatasan ni Administrator Yap na pangunahan ni Atty. Ernesto Catis, assistant director ng Enforcement, Investigation and Prosecution Department (EIPD) ang imbestigasyon ng naturang isyu.

Umasa kayo na kaisa ninyo ang NFA sa pagtataguyod sa layuning higit na mapabuti ang paglilingkod ng ahensya sa ating pamayanan.

Maraming salamat sa pagbibigay daang mapalathala ang aming katugunan. Hinihikayat din namin ang lahat na
ipaabot sa aming kaalaman anumang hinaing, mungkahi at mga pagtatanong na uukol sa aming tanggapan sa pamamagitan ng TXT NFA sa mobile number 0917-6210927.

Sumasainyo,


signed

REX C. ESTOPEREZ

Director for Public Affairs

NFA
* * *
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng BITAG Investigative Team sa naturang "hokus-pokus" sa loob ng NFA.

Habang patuloy kaming nakakatanggap sa "Imbestigasyon ng BAHALA si TULFO" at BITAG ng mga tips ukol sa mga nangyayari sa loob ng NFA, hindi kami titigil sa pagkalap ng mga ibedensya upang ilahad ito. Mananatiling naka-antabay ang BITAG sa kasong ito.
* * *
Bitag hotline numbers, para sa mga naabuso, naaapi, at biktima ng panloloko o anumang uring katiwalian, i-text (0918) 9346417, (0919) 5684470, o tumawag sa mga numerong ito 932-8919 / 932-5310. Manood tuwing Sabado, 7:00-8:00 p.m. IBC-13, "BITAG"

Show comments