Ironically, ang sinisisi ng MERALCO ay ang pamunuan ng City State Hotel Hindi raw maayos ang pagkakainstila ng mga electrical connections nito. Ngunit lumabas na ang resulta ng pagsisiyasat ng mga arson investigators sa pamumuno ni Chief Engr. Ernesto Cuyugan. Mahinang klase ng materyales ang ginamit ng MERALCO sa ikinabit na transformer kung kayat sumabog at naging sanhi ng sunog. Kaya may katuwirang maghabla ang City State Hotel ng P50M-danyos laban sa MERALCO. Balita ko, nag-usap-usap na rin ang mga ibang establisimentong nadamay at pati silay magsasampa na ng kaso laban sa MERALCO.
Nakikisimpatiya rin sa hakbang na ito ang ibat ibang grupo na kumokontra sa kontrobersyal na Purchased Power Adjustment (PPA). Mantakin mo nga naman na sa bilyun-bilyong kinikita ng MERALCO sa PPA na mula sa naghihikahos na lukbutan ni Juan dela Cruz ay hindi pa maisaayos ang mga pasilidad nito?
Madaling mag-deny. Ang denial ang siyang tanging magagawa ng sino man na nababaon sa kagipitan. Pero paanong masisisi ng MERALCO ang electrical connection ng hotel gayung napakahigpit ng City Engineers Office ng Maynila lalu na sa mga malalaking gusaling itinatayo? At pagpalagay nating palpak nga ang electrical connection ng hotel, makalulusot ba ito sa mapanuring mata ng MERALCO lalo pat maglalagay sila ng transformer.
Kailangang harapin ng MERALCO ang pananagutan. Huwag nang ibunton ang sisi sa kanilang naperhuwisyo. Public utility company, ang MERALCO at dapat kumilos para mabawasan, kundi man lubusang maiwasan ang ganitong mga insidente na nagsasapanganib sa buhay ng tao.