Editoryal - Bantayan ang mga tusong eskuwelahan

PRESYO ng gasoline, diesel, at LPG ay muling tumaas at humirit na ang public transport na itaas na rin ang pamasahe. Aprub. Sa June 9 ay P5.50 na ang pamasahe sa dyipni. Kasunod ay ang mas matitindi, marami ang nasorpresa sa pagtataas ng mga pangunahing bilihin: Karne, asukal, mantika at iba pa. Eksaktung-eksakto ang pagtataas habang maraming magulang ang namumroblema kung saan kukunin ang pang-tuition para sa kanilang mga anak. At sakali mang makadelehensiya o makautang sa "5-6", madidismaya lamang sapagkat kulang pa rin dahil nagtaas ng tuition ang school na pag-aaralan ng anak. Problema kung saan kukunin ang kakulangan. Hindi naman maaaring patigilin sa pag-aaral, sapagkat ang anak ang inaasahang hahango sa kahirapan.

Tuwing magbubukas ang klase ay problemado ang mga magulang, lalo na sa mga nagpapaaral sa kolehiyo. Taun-taon ay maraming kolehiyo at unibersidad ang walang kaabug-abog na nagtataas ng tuition fees. At kakatwa namang walang magawa ang Commission on Higher Education (CHED) para mapigilan ang mga tusong eskuwelahan. Kahit na magbabala ang CHED na bawal magtaas ng tuition ang mga kolehiyo at unibersidad, marami pa rin ang sumusuway. Palihim at halos hindi nga namamalayan ng magulang na nabiktima na pala sila ng eskuwelahan sa kanilang pagtataas ng tuition. Hindi naman sila gaanong ma-monitor ng CHED kaya ang nagdurusa ay ang mga magulang na nagpapakamatay sa paghahanap ng pang-tuition. Marami ang kumakapit sa patalim para lamang tuluy-tuloy na mapag-aral ang kanilang mga anak.

Ngayon nga’y nakaamba na naman ang pagtataas ng tuition sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa. At hindi basta-basta ang laki ng porsiyento sa kanilang ginagawang pagtataas. Halos mapa-aray ang mga magulang dahil sa laki nang ginagawang pagtataas ng mga tusong pribadong eskuwelahan. Gustong pigain ang huling katas ng bulsa ng mga kawawang magulang.

Sa pagkakataong ito, hindi na sana magwalang bahala ang pamahalaan sa ginagawa ng mga tusong eskuwelahan na pagtataas ng tuition. Atasan ang CHED na lubusang i-monitor ang mga private schools. Magkaroon muna ng kunsultasyon bago payagan ang eskuwelahan at takdaan ng porsiyento na hindi aaray ang mga magulang. At kung papayagan, tiyakin kung may kalidad ba ang edukasyon na kanilang ipagkakaloob sa mga estudyante. Maraming kolehiyo at unibersidad ang nagtataas ng tuition subalit mababa ang quality ng edukasyon. Walang matutuhan ang estudyante. Nasayang lang ang pera ng magulang na inutang sa nagpapa-"five-six" na Bombay. Bantayan ang mga tusong eskuwelahan na magtataas ng tuition.

Show comments