Nagpasya na ang mamamayan ng QC. Nais nila ang patuloy na pag-unlad ng siyudad.
Tulad ng sinulat ko bago mag-eleksiyon, ngayon lang nakatikim ng kaayusan ang QC sa ilalim ng tatlong-taong unang termino ni SB. Bago yon, siyam na taong nalubog ang QC: gabundok na basura sa kalye, trapik kahit, pag-okupa ng vendors sa kalye at sidewalks, droga, akyat-bahay, nakawan miski araw, squatters.
Binago lahat yon ni SB. Kinolekta ang basura, miski mas konting truck at kinalahati ang budget. Ipinasok ang vendors sa public markets. Inalis lahat ng harang sa trapik. Binigyan ng dagdag na baril, patrol cars at radio transceivers ang pulis kontra sa krimen. Nagtayo ng barangay day-care centers at clinics. Pinalaki ang enrolment sa city high schools. Ginawang pabahay ang malaking bahagi ng Payatas dump. Hinakot sa rehabilitation centers ang mga batang-lansangan at addicts. Tinamnan ng mga puno ang sidewalks at road medians. Inayos ang La Mesa Dam para pasyalan. Sa kabila ng lahat ng yon, nagkaroon pa ng budget surplus. Kasi sumigla ang mga negosyo. Ginanahan ang mga may-ari ng lupa na magbayad ng buwis dahil nakikita nila kung saang kaunlaran napupunta. Nabayaran ang P2.5 bilyong utang na iniwan ni Mathay. At dumoble ang kita ng city hall.
Dahil nanalo karamihan ng SB Team, inaasahang mas sisigla pa ang QC. Kasi may kakampi na si SB sa reporma.