Higit pang nasa panganib ang buhay ng mga teachers kaysa sa mga taga-Commission on Elections. Nakaamba sa mga teachers ang panganib lalo na sa panahon ng bilangan at sa pagsa-submit ng certificate of canvass. Kung ang mga taga-Comelec ay parelaks-relaks sa kanilang malalamig na opisina kabaligtaran naman ito sa mga teachers na nagtiiis ng gutom, init, pagmumura at ang matindi ay ang pananakot sa kanila ng mga kandidatong natatalo. Kung ang mga taga-Comelec ay walang pakialam sa mga nangyayaring kaguluhan sa panahon ng eleksiyon, ang mga teachers ay seryosong ginagampanan ang tungkulin.
Ang pananakot sa mga teachers ay karaniwan na lamang kung election. Marami sa kanila ang ikinukulong o dine-detain ng mga supporters ng kandidato.Sila ang naiipit sa naglalabanang kandidato gayong tumutupad lamang sila sa tungkulin.
Ang masaklap nga ay kung humantong pa ang lahat sa pagbubuwis ng buhay ng teacher para lamang maprotektahan ang ballot boxes. Na ang pagtupad pala sa tungkulin ay magiging daan para siya mamatay. Sino ang makalilimot kay Filomena Tatlonghari, isang teacher na binaril makaraang tumangging ibigay ang mga ballot boxes sa isang grupo ng nga lalaki. Binaril si Filomena noong election ng May 9, 1995 sa Mabini, Batangas. Tatlong lalaki ang suspect subalit isa pa lamang ang nadadakip hanggang sa kasalukuyan. Malapit nang mag-10 taon ang kaso subalit wala pang nakakamit na hustisya ang pamilya Tatlonghari. Ang pangako rin naman ng pamahalaan sa pamilya Tatlonghari ay napako.
Kawawa ang mga teachers kung eleksiyon kaya dapat lamang silang tulungan. Dagdagan pa ang kanilang allowance.