Nagulat pa nga ang mga kuwago ng ORA MISMO nang mabalitaan nilang may isla palang tulog. Pero si Benny Lado alyas El Negro, sa kanyang mga kaibigan ang siyang gigising sa natutulog na isla at magpapaunlad nito. Kandidatong Mayor si El Negro, sa ilalim ng partido ni FPJ.
Nakausap niya ang mga kuwago ng ORA MISMO, noong isang linggo at ibinida nito ang kanyang programa sa karera este plataporma de gobyerno pala. Matagal na pala niyang gustong pasukin ang pulitika dahil kitang-kita niya na walang asenso ang kanilang province sa kamay ng mga bugok.
Isa sa priority ni El Negro ay ang pagkakaroon ng ospital sa kanilang lugar. Dinadala pa pala sa Lucena City mula sa Alabat ang may sakit lalot emergency ito.
Thirty minutes lang naman daw ang biyahe mula Alabat hanggang Lucena City hospital kayat abot-tanaw daw ni kamatayan ang mga taong grabeng dinadala rito! Nagpapasalamat siya sa Diyos at wala pa naman nakakalawit si Kamatayan.
For info, ang mga gustong magpunta sa Alabat ay isinasakay sa bangkang de motor at itinatawid ng dagat ganoon din para makapunta sa bayan.
May 8,000 botante ang taga-Alabat at 98 porsiyento pala rito ay para kay El Negro. Ika nga, siya na ang susunod na Mayor kung susuwertihin, he-he-he!
Sa pulong ng mga kuwago ng ORA MISMO at El Negro naibida nito na hindi siya kukuha ng suweldo dahil ilalaan niya ito sa kanyang constituents.
Edukasyon, pagamutan at kapakanan ng mga tao sa Alabat ang kanyang prayoridad. Hindi importante ang salapi kay El Negro dahil marami siya nito pero ang kaligtasan, kapakanan at seguridad ng mga mamamayan ng Alabat ang importante.
Pangingisda at pangongopra pala ang business ng mga otares sa Alabat, anang kuwagong kubrador ng jueteng sa Lucena City.
"May illegal fishing ba sa Alabat? tanong ng kuwagong sepulturero.
Siguro, kahit saan naman, sagot ng kuwagong maninikwat ng dinamita.
Anong tulong ang kayang gawin ni El Negro sa mamamayan ng Alabat? tanong ng kuwagong SPO-10 sa Crame.
Maraming klase ng tulong ang kanyang magagawa lalot siya na ang Mayor, sagot ng kuwagong Kotong cop.
Baka naman pangakong pako lang iyan.
"Iyan ang abangan natin.