Sa Lunes ay election na at nakaharap na naman ang mga guro sa malaking pagsubok. Hindi birong pakikipagsapalaran na naman ang kanilang kahaharapin bilang pagsunod sa atas ng Department of Education na maglingkod sa election. Hindi sila maaaring tumutol sapagkat isa iyan sa kanilang sinumpaang tungkulin bilang guro sa pampublikong paaralan.
Sinasabi na ang 2004 election ang pinaka-magulo sa lahat ng mga naganap na election. Marami na ang namamatay na may kaugnayan sa election. May tinatambangang kandidato na ang kalaban sa pulitika ang itinuturong suspect. Maski babae ay hindi na ngayon pinatatawad. Parang manok na binabaril ang kandidato.
At gaano pa ang kaguluhang maaaring magaganap sa mismong araw ng election kaya naman nakaharap sa panganib ang mga teachers habang nagbabantay sa panahon ng pagboto at sa pagbibilang.
Kaya hindi rin naman maiwasan na may mga teacher na nagka-trauma dahil sa masamang karanasan sa election. May mga ikinulong sa loob ng presinto at hindi nakakakain sa loob ng ilang oras dahil sa pananakot ng mga kandidato na nagpoprotesta dahil natatalo na sila sa bilangan. May mga teacher na binabantaan ng kandidato at tinatakot na idedemanda.
Pero ayon naman sa DepEd, hindi na mangyayari ang ganito kasaklap na karanasan ng mga guro. May mga abogado na umanong magtatanggol ng libre sa mga guro sakalit silay abusuhin o idemanda ng mga kandidatong nagpoprotesta sa panahon pa lamang ng bilangan. Nagkaroon ng kasunduan ang Integrated Bar of the Philippines at Public Attorneys Office sa DepEd at nailunsad ang proyektong "Tanggol Guro sa Halalan 2004".
Hindi dapat maagrabyado, maabuso at malagay sa panganib ang buhay ng mga guro. Protektahan sila sa panahon ng election.