Sa absentee voting, pinapayagan nang makaboto ng advance ang mga miyembro ng military at police na naka-assigned sa malayong lugar. Hindi na kailangang umuwi o magbakasyon para lamang makaboto sa May 10 kaya binigyan na sila ng pagkakataong makaboto. Pero malaking pagkadismaya sapagkat kakaunti lamang ang bumoto. Isang palatandaan na kulang sa impormasyon ang mga botante. Sa kabuuang 113,000 military personnel sa buong bansa, 1, 268 lamang ang bumoto. Nakagugulat ito. Maaaring hindi sila na-informed o kayay hindi binigyan ng pagkakataon ng kanilang mga superiors na makaboto. O maaari rin namang walang interes ang mga botante. Sa aming palagay, ang kakulangan sa impormasyon ang dahilan. Kung nabigyan sila ng sapat na impormasyon, tiyak na dumagsa sila para bumoto.
Pero kung nakadidismaya ang resulta ng botohan sa mga military personnel mas lalo namang nakagigimbal ang nangyari sa PNP sapagkat sa may 3,033 registered voters na police personnel wala ni isa man ang nakaboto. "Itlog" ang resulta.
Maging ang mga overseas Filipino workers ay hindi rin ganap na na-informed dahil sa mababang bilang ng mga bumoto. Lumalabas na ang mga OFWs lamang na nasa Hong Kong ang nagpakita nang kaalaman sa pagboto. Sinasabi sa pinaka-latest na report na mahigit 300,000 lamang ang bumoto. Ang mga OFWs na nasa Middle East ay matamlay ang nangyari. Walang kabuhay-buhay. Kagaya sa Iraq na apat na boto lamang ang natala. Sinasabing may 2,500 OFWs sa Iraq na karamihan ay nagtatrabaho bilang waiters, maintenance workers, doctors, nurse at janitors. Sabagay, maaaring ang kaguluhan doon ang naging dahilan kaya matamlay ang botohan.
Kulang sa impormasyon ang voters kaya ganito ang kinalabasan ng unang absentee voting. Nasayang ang panahong ginugol sa pagsisikap na maging batas ang absentee voting. Leksiyon ito sa Comelec. Naging masigasig naman sana ang mga opisyal na ipaalam sa mga military at police personnel na maaari na silang makaboto. Nasayang lang ang karapatan.